CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Umani ng masigabong palakpakan at paghanga sa katutubong sayaw ng mga Batak ng Puerto Princesa ang mga panauhin at opisyales ng Filipino Heritage Festival Incorporated sa pagtatapos na pagdiriwang ng National Heritage Month nitong Mayo 30, 2010. Tatlumput’tatlong mga Batak ang nagpakitang gilas sa pagsasayaw ng tarek, kendar, diwata at iba pang sayaw sa saliw ng sarili nilang mga katutubong instrumento. Higit na nakatawag pansin ang makukulay nilang patadyong at walang pang-taas na kasuotan sa mga kababaihan at ang ba’ag na yari sa balat ng kahoy ng namuan at salugon sa mga kalalakihan.

Kinatuwa ni Mayor Edward S. Hagedorn ang pagkakapili sa Puerto Princesa bilang isa sa mga lugar na pagdarausan ng prestiyosong pagdiriwang. Aniya magbibigay daan ito sa lalo pang pagkilala sa mayamang kultura at sining ng mga katutubo sa lungsod at sa buong lalawigan ng Palawan. Ang tema ngayong taon ay : “Preserving the Gift of Faith through Culture” . Kinapalooban ang pagdiriwang ng pagpapalabas ng iba’t-ibang sayaw at awitin sa Palawan. Ang grupo ng mga Cuyunin ay nagpamalas ng sayaw na Pondo-pondo habang ang Tipano Band ang naparinig ng kanilang mga awitin. Hindi rin nagpahuli ang grupo ng mga Cagayanen na ipinarinig din ang sariling mga awitin sa pamamagitan ng Tatos Band. Inawit din ng grupong SINIKA ang mga sikat nilang awitin gaya ng “Amos Tara, Toting , Layang Pasyak at Pagkakaisa. Nagdagdag din sa kislap ng mga palabas ang kilalang Pangkat Kalinangan mula sa pamahalaang Panlungsod na nagsayaw ng mga sari-saring sayaw sa Piilipinas.

Nauna rito, dalawang dulaang pang-entablado ang ipinalabas noong Mayo 29 , sa unang gabi ng pagtatanghal. Ipinakita ng Holy Trinity University Performing Arts ang kasaysayan ng Puerto Princesa bago at hanggang sa dumating ang mga Kastila sa pamamagitan ng maramihang pagtula, pag-awit, maiksing drama at sayaw . Ang Palawan State University Theater Group naman ang nagpamalas ng dula hinggil sa ikalawang digmaang pandaigdig tampok ang buhay ng Palawenyong bayani na si Dr. Higinio Mendoza Sr. . Nagkaroon din ng Exotic Food Festival kung saan inihain ng City Tourism Council sa mga panauhin ang mga pagkain tulad ng latong Cuyo, kilawing balatan, tubbataha lobster salad at inihaw na tirik . Bago natapos ang unang gabi ng palabas inaliw rin ang mga manonood ng mga pamosong awiting Pilipino na inawit ng Philippine Opera House .

Kabilang sa mga naging panauhin ng National Heritage Month Celebration sa Puerto Princesa ay sina Ambassador Alfonso Yuchengco , Opisyales ng Filipino Heritage Festival Inc. na sina Bb. Armita Rufino, Araceli Salas at Anna Maria L. Harper. May mga kinatawan din ang mga pangunahing babasahin at diyaryo sa bansa at ang mga opisyales ng National Commission on Culture and the Arts sa pangunguna ni Father Harold Rentoria.

By: Amie H. Bonales

Amie Bonales: PR HERITAGE (BATAK)

 

Article Type: 
Categories: