CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, March 14 CIO – Pinasinayaan kamakailan ang gusaling Center for Girls na inilaan ng Pamahalaang Lokal ng Puerto Princesa para sa mga batang kababaihan na naging biktima ng iba’t-ibang krimen sa lipunan. Nakapaloob ito sa lupaing may sukat na 5 ektarya na nasa Purok Paglaum sa Bgy. Mangingisda ng lungsod.
May kabuoang halagang P4.7M ang ipinundo ng Dept. of Social Work and Development (DSWD) Bottom-up Budget Fund sa pamamagitan ng Sheltered Workshop Projects. Ang imprakstraktura ay kinabibilangan ng main building na siyang tahanan ng mga bata at ang katabing covered shelter facility. Meron na rin itong water supply mula sa deepwell pump na donasyon naman ng isang non-government organization (NGO).
Ang gusali ay maaaring tirahan ng 25 kababaihan na gagabayan ng mga house parents habang sila ay sumasailalaim sa rehabilitasyon at paghahanda para sa muli nilang pakikipagsalamuha sa lipunan. Sa kasalukuyan, may 8 ng kababaihang nag-eedad mula 4 hanggang 16 na taon ang inaalagaan sa sentro. Tinuturuan sila ng mga kaaalaman pangkabuhayaan sa pamamagitan ng Alternative Learning System. Nagkakaroon din sila ng pag-aaral sa musika at sa bibliya.
Nagkaroon ng isang simple programa ang seremonya ng pagsasalin ng simbolong susi mula sa gumawa ng gusali patungo sa pamahalaang lungsod na isinalin rin sa City Social Work & Development (CSDW) Office. Kinatawan si Mayor Lucilo R. Bayron ni G. Daniel G. Tejada, Project Evaluation Officer IV ng City Planning Development Office (CPDO). Ipinaabot niya ang pasasalamat ng alkalde sa mga suporta ng City DILG at sa DSWD sa pagkakaroon ng ganitong proyekto. Lubos din ang pasasalamat ni Gng. Lydia del Rosario ang Acting CSWD Officer sa lahat dahil sa pagsasakatuparan ng matagal ng minimithi ng kanilang tanggapan. Binigyang puri naman ni. G. Zaldy Ablania, kinatawan ng DSWD ang mga pagsusumikap, kasipagan at dedikasyon ng mga miyembro ng Local Council for the Protection of Children. Ipinahayag din ni Barangay Kapitan Romeo Elijan ang pasasalamt sa mga opisyales ng lungsod dahil sa unti-unti nang nangyayari ang planong maging sentro ng kaunlaran ang Bgy. Mangingisda, na siya ring magiging “twin city” ng lungsod.
Nakiisa rin ang iba pang opisyales ng Bgy. Mangingisda, kawani ng CSWD at CPDO, kinatawan ng ilang NGO, habang ang pagbabasbas ay ginampanan ni Rev. Father Jasper Lajan.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |