CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Sinimulan sa parada nitong Nobyembre 8 ang pagbubukas ng Drum and Lyre Competition kaugnay ng Subaraw Biodiversity Festival 2024 mula sa Robinson's Mall hanggang sa Edward S. Hagedorn Coliseum.

Mula sa siyam na paaralang sumali sa elementary level, itinanghal na Grand Champion ang Mateo Jagmis Memorial Elementary School na nakalikom ng puntos na 88.04 percent. Ginawad rin sa grupo ang Best in Music at Best in Choreography na kumatawan sa Brgy. San Miguel. Pumangalawa sa pwesto ang defending champion, ang Puerto Princesa Pilot Elementary School na mayroong iskor na 85.04 percent. Panalo rin ang grupo na Best in Costume at Best in Performance. Nasa ikatlong pwesto naman ang Loreto Santos - Lanzanas Central School sa Barangay San Pedro na nakakuha ng 83.88%. Nanalo rin ito ng Best in Parade.

Kalahok rin sa patimpalak ang mga paaralan ng East Central School sa Barangay Model, PPC;  Sta. Monica Elementary School, PPC; Tiniguiban Elementary School, PPC; Francisco Ubay Elementary School sa Barangay San Jose, PPC at ang dalawang kumatawan sa munisipyo ng Narra - ang Narra Pilot School at ang Narra Integrated School.

Dinomina naman ng Narra Integrated School mula sa bayan ng Narra ang Junior High Category na nakalikom ng pinakamataas na puntos, 94.98 percent. Wagi rin ito ng  Best in Costume, Best in Music at Best in Performance. Second placer naman ang Leonides S. Virata National High School mula sa Rio Tuba, Bataraza, sa puntos na 93.90%.  

Pumangatlo naman ang Alimanguan National High School mula sa San Vicente sa puntos na 87.20 %. Best in Choreography rin ang Alimanguan National High School. Panalo namang Best in Parade ang Puerto Princesa City National Science High School.

Kasali rin sa competition ang Roxas National Comprehensive High School, Francisco Lagan, Sr. Memorial National High School, Aramaywan National High School, Quinlongan National High School, Bataraza National High School, ang defending champion na Panacan National High School at ang tatlo pang kalahok ng Puerto Princesa, ang San Miguel National High School, Sta. Monica National High School at Palawan National School.

Parehong tumanggap ang mga panalo mula sa dalawang kategorya ng P75,000.00 sa Grand Champion, P50,000.00 sa ikalawang pwesto at P35,000.00 sa ikatlo. Ang mga hindi naman pinalad ay pinagkalooban ng P10,000.00 ang bawat grupo.

Karagdagang limang libong piso ang ipinagkaloob ng AVECS Corporation para sa lahat ng mga grupong sumali.