CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Pinainit ng labintatlong grupong kalahok mula sa lungsod ng Puerto Princesa, ibang mga munisipyo at probinsya ang buong Edward S. Hagedorn Coliseum ngayong araw, Nobyembre 9 sa pagpapamalas ng husay at galing sa dance floor sa  "Subaraw National Dance Competition".

Matinding pasiklaban sa dance moves, choreography, stunts, tumbling at obra maestra sa sayawan ang bawat grupo. Pero sa huli nangibabaw ang grupo mula sa Ormoc City, Leyte, ang ASTROPHILE na hindi lamang ganda ng performance ang ipinamalas kundi ang malalim na koneksiyon ng kanilang tema at kwentong nais iparating sa mga hurado at manonood. Nag-uwi ang Grand Champion ng ₱120,000.00.

Pumangalawa sa pwesto ang grupo mula sa pinagsamang lakas ng Narra, Palawan at Marikina City - ang OBS ANAXIOUS na ibang teknik rin sa pagsasayaw ang kanilang ipinakita. Kanila namang nauwi ang ₱90,000.00 at ang panibagong hamon na makabawi sa susunod pang laban sa entablado.

Tumanggap naman ng ₱60,000.00 ang HYPE IMPACT FAMILY mula sa Olongapo City na  nanalong ikatlong pwesto sa patimpalak at ang defending champion ng Subaraw National Dance Competition 2023. Hindi man nadepensahan ang kampeonato baon pa rin umano ang masayang karanasan sa kompetisyon at ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga taga-Puerto Princesa.

Bagaman hindi pinalad ang ibang mga kalahok, masaya silang naging bahaging muli ng masayang pagdiriwang ng kultura, tradisyon at saribuhay ng lungsod ng Puerto Princesa. Ang mga non-winning crews: KNGS, High Graded, PL1 Family, HD Crew, Rise and Shine, BPHM, LIL MVD, Ascendance, R1DC at ICONOMICON ay tumanggap rin ng tig-25 libong piso.

Lubusang humanga sa ipinakitang galing ng mga grupo ang AVECS Corporation at bilang suporta sa aktibidad ng pamahalaang panlungsod ay nagkaloob ito ng karagdagang papremyo.