CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
PUERTOPRINCESA,March 29(CIO)- Patuloy ang suporta ng Puerto Princesa sa selebrasyon ng Earth Hour sa buong mundo. Isasagawa ang Earth hour ngayong Marso 31, 8:30 hanggang 9:30 ng gabi. Ito ay isang oras na boluntaryong pagpatay ng ilaw at lahat ng kagamitang de kuryente upang mabawasan ang patuloy na pagtaas ng temperatura ng mundo.
Isasagawa ang ceremonial switch off ng lungsod sa baywalk, alas otso medya ng gabi kasabay ang buong mundo. Sa loob ng isang oras na walang kuryente ay magkakaroon naman ng kasiyahan sa baywalk tulad ng fire dancing at kantahan gamit ang mga musical instrument na di gumagamit ng kuryente.
Ayon kay CIO Alroben Goh, napapanahon lamang na ang bawat isa ay maki-isa sa makabuluhang gawaing tulad nito. “Ang pagsagip sa mundo laban sa global warming ay responsibilidad ng bawat isa”, dagdag pa niya.
Kaugnay nito ang lahat ng residente ng lungsod, opisyal ng pamahalaan at mga empleyado ay hinihikayat na maki-isa sa Earth Hour 2012 sa pamamagitan ng kusang pagpatay ng ilaw at mga gamit de-kuryente sa kanilang tahanan mula 8:30 – 9:30 ng gabi. Gayon din ang mga hotel at restaurant na huwag ng paandarin ang kanilang generator at gumawa na lamang ng gimik upang maaliw ang kanilang guest sa loob ng isang oras. (PR/CIO/Puerto Princesa)
By Jasmin Maya D. Estiandan
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |