CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Peb. 7 (PIA) -- Ang mga Roll On Roll Off (RORO) Bus ay magsisimula nang bumiyahe sa hilagang bahagi ng lalawigan sa Pebrero 9, Huwebes, ayon sa pahayag kahapon ni Freddie Candava Cabuhal, operations manager ng RORO Bus Transport, Inc.
Dumating na sa lalawigan ang 15 bus na bibiyahe mula Puerto Princesa patungong bayan ng Taytay, ayon kay Cabuhal.
Sa kasalukuyan, ang rutang Puerto Princesa-Taytay pa lamang ang maseserbisyuhan dahil hindi pa handa ang barko ng Montenegro Shipping Lines na pagkakargahan ng mga bus patungo sa Kamaynilaan, dagdag niya.
Ang bayan ng Taytay ay nasa hilaga ng lalawigan na mga 200 kilometro mula sa lungsod ng Puerto Princesa.
Siniguro ni Cabuhal na maayos ang pasilidad ng mga bus at tiniyak din niya ang kaligtasan ng mga pasahero.
Kapag handa na ang barkong gagamitin, magkakaroon na ng ruta mula Puerto Princesa-Taytay-El Nido-San Jose, Occidental Mindoro-Puerto Galera-Calapan-Batangas-Manila at balikan.
Dagdag pa ni Cabuhal, sa pamamagitan ng RORO ay maaari nang malibot ng mga turista ang lahat ng mga magagandang tanawin sa Pilipinas.
Binati naman ni Puerto Princesa City Vice Mayor Lucilo Bayron ang RORO Bus Transport, Inc. sa paglalagay ng kanilang kumpanya sa lungsod at lalawigan ng Palawan. (OCJ/PIA4B-Palawan)
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |