CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa City, Nov.23 – Pormal na pinasinayaan ang youth center at vocational farming facility ng City Social Welfare and Development (CSWD) sa lungsod kamakailan. Dumating na panauhing pandangal si Mr. Denny Robertson, Country Director, Peace Corps Philippines at Kgd. Miguel Cuaderno ng Sangguniang Panlungsod. Kasunod sa pagpapasinaya ang pagbasbas ng buong pasilidad at marker nito.
Ang youth center ay itinayo upang magkaroon ng pansamantalang tirahan ang mga kabataang edad 15-18 habang dinidinig sa korte ang kanilang kaso. Isang paraan ito upang maialis mula sa city jail ang batang may hinaharap na asunto. Sapat ang lugar ng center para sa labing limang katao na titira dito. May malinis na tubig, palikuran, maayos na tulugan ang center at vegetable garden, goat house, bodega, classroom, duck at fish pond ang vocational farming facility. Mayroong foster parent ang mga bata na magbabantay at magdi-disiplina habang sila ay nasa center.
Nais ng CSWD na maging “self sufficient” ang center kaya’t magkakaroon ng pagsasanay sa pagsasaka at pag-aalaga ng kambing at pato upang may pinagkakaabalahan at pagkukunan ng pagkain ang mga bata. Tuturuan din ng maiikling vocational courses upang may pagkukunan ng kabuhayan sa paglabas sa center ang mga kabataang ito.
Ayon kay Kgd. Miguel Cuaderno, sa isang kinilalang child friendly city at nagmamalakit sa mga kabataan, ang youth rehabilitation center na ito ay isang half way house. Dito muling magsisimula ang tamang paghuhubog sa pagkatao ng bata na di natutunan sa tahanan o eskwelahan upang maging matatag laban sa masamang impluwensiya sa labas ng rehabilitation center.
Samantala, nais ng CSWD na maging show window para sa mga social workers at tourist destination para sa mga turista ang youth center na makikitang ang batang dating problema ng lipunan ay maaring magbago at maging produktibo mabigyan ng tamang gabay at kalinga.
Katuwang ng pamahalaang lungsod ang samahan ng Peace Corps Volunteers sa pagtatayo ng gusali at pagbuo ng vocational farming facility para sa mga kabataan naliligaw ng landas.(maya estiandan)

Article Type: 
Categories: