CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa City, Jan. 15(CIO)-Dalawang daan siyamnapu’t apat na libo, limang daan pitumpo’t anim (294,576) ang kabuuang bilang ng mga turista ang dumalaw sa Puerto Princesa Underground River para sa taong 2012. Binubuo ito ng 248,467 lokal na turista at 46,154 mga banyaga. Mas mataas ito ng 12.3% sa nakaraang 2011 na may kabuuang bilang na 235,870.
Ang mga buwan ng Abril at Mayo ang may pinakamataas na bahagdan ng lokal na bisitang nagtungo sa pamosong kuweba. Ito ang panahon na bakasyon ang mga mag-aaral na kasama ang mga pamilya sa pagtungo nila sa Puerto Princesa. Enero at Pebrero naman ang pagdagsa ng mga banyaga na siya namang tag-lamig sa kani-kanilang mga bansa. Sa mga datos ng PPUR Booking Office, ang mga Amerikano ang nangungunang turista, sinusundan ito ng mga Koreano bago ang mga Australyano. Ayon kay Park Superintendent James Albert Mendoza, malaki ang nagawa na mapataas ang pagdating ng mga manlalakbay sa pook pasyalan magmula ng mapabilang ito sa talaan ng New 7 Wonders of Nature. Ang kompetisyong ito ang nagpakilala sa Puerto Princesa Underground River sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Upang mapanatili ang likas na kagandahan ng lugar, mahigpit na ipinapatupad ng pamunuan ni Mayor Edward S. Hagedorn ang mga batas pangkalikasan. Masusi ring tinututukan ang bilang ng mga taong pumapasok sa mismong kuweba upang hindi maapektuhan ang mga buhay- ilang na nakatira doon. Isinasaayos na rin ang mga pasilidad na ginagamit ng mga bisita habang inaantabayanan din ng mga kawani ng coast guard ang kaligtasan sa paglalakbay sa dagat ng mga turista patungo sa kuweba lalo na kapag masama ang panahon.(amie bonales)
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |