CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Positibo sa paralytic shellfish poison o red tide ang Honda Bay batay sa inilabas na Shellfish Advisory no. 42 at shellfish bulletin no. 40 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kahapon Disyembre 5. Umabot sa 72.03 µgSTXeq/100g toxic level sa shellfish meat na nakolekta sa Honda Bay.
Para sa kaligtasan ng publiko ay ipinagbabawal ang paghuli, pagbenta, pagbili at pagkain ng lahat ng uri ng shellfish tulad ng alamang at shells tulad ng sikad-sikad, bakalan, bagasay, kibao at lahat ng uri ng shells, alimasag at iba pa na nakukuha sa nasabing baybayin.
Samantala ligtas at maaring kumain ng mga isdang nahuhuli sa baybayin ng Puerto Princesa at Honda Bay siguruhin lamang na sariwa at nahugasang mabuti ang hasang nito. Makabubuting alisin ang bituka ng isda bago lutuin upang masiguro ang kaligtasan ng kakain nito.
Pinapayo ni City Health Officer Dr. Ric Panganiban na sakaling nakakain ng mga shell mula sa Honda Bay at nakaramdam ng mga sintomas ng nalason tulad ng pagsusuka, pagkahilo, pananakit ng ulo, mabilis na pulso at hirap sa pananalita, paglunok at paghinga, pangangalay ng braso at binti tatlumpong minuto matapos kumain ng shells at alamang ay dalhin kaagad sa pinakamalapit na ospital ang biktima. Ang paralytic shellfish poisoning ay nakamamatay.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagbabantay ng BFAR at City Agriculture kalagayan ng baybayin sa Honda Bay kung saan 19 barangay ang sakop nito mula Bgy. San Miguel hanggang Barangay Langogan.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |