CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Oct. 4 CIO - “Dahil sa naging magandang pagtanggap ng mga mamamayan noong ilunsad ang kauna-unahang Kalag Kalag Festival noong nakaraang taon, hiniling ni Mayor Bayron na mas pagandahin pa ang ipapamalas at makikita ng mga tiga lungsod ngayong ikalawang taon ng naturang aktibidad.” Ito ang tinuran ni Ginang Judith Bayron-Manuel, Oplan Linis Manager at siyang punong abala dito. Kaya’t asahan na ng mga mamamayan ang mas nakakatakot na zombie run, hitik sa mga aktibidad na Kalag Kalag Festival.
Ayon sa event coordinator ng naturang gawain, ngayong taon ang zombie run ay magkakaroon ng anim (6) na stations na punong puno ng mga katatakutan, challenges/obstacles na kahaharapin ng mga partisipante nito.
Bukod sa zombie run, makikipag ugnayan si Ms. Manuel sa pribadong sektor upang maglagay ng horror tunnel para naman sa mga kabataan at mga nais na makaranas ng katatakutan na hindi makakapasok sa zombie run area. Magkakaroon din ng ilan pang karagdagang atraksyon upang maging mas makulay, mas masaya ang lugar.
Paiigtingin din ang seguridad sa lugar kung saan ay magtutulungan ang City PNP personnel, Civil Security ng pamahalaang lungsod at mga tanod ng Barangay Tiniguiban at Sta. Monica.
Bukod sa Zombie Run, Horror Tunnel; magkakaroon naman ng patimpalak para sa Best Horror Costume, Hip Hop Dance Showdown, Dog Show Competition at Ms. Gay Kalag Kalag.
Mayroon lamang labindalawang libong (12K) tikets ang ipapamigay ng libre upang makapasok at makasali sa Zombie Run. Ito ay makukuha sa Tanggapan ng Impormasyon at sa ilang mga programa sa radyo kung saan ay kinakailangan ninyong sumagot ng tama sa ilang katanungan na ibibigay ng mga hosts ng programa.
Para sa kabatiran ng lahat, ang maaari lamang makapasok at makasali sa zombie run ay ang mga kabataan na nag e edad 13 pataas; physically fit at walang anumang karamdaman sa puso at walang hika.
Samantala, naghahanap ang event organizer/coordinator nang mga aaktong zombie para sa isasagawang zombie run. Magkakaroon ng pagpili sa huling lingo ng Setyembre, magpatala lamang sa Tanggapan ng Impormasyon. Sa sinumang mapipili makakatanggap ito ng P300 bawat araw, libre ang hapunan. Ang mga organizers din ang magbibigay ng costumes at make-up sa mga mga ito.
Sa mga nais na sumali sa mga naturang paligsahan at nais na umakto bilang zombie ay makipag ugnayan lamang sa Tanggapan ng Impormasyon na matatagpuan sa Green City Hall Bldg, Ground Floor, Left Wing o tumawag sa telepono bilang 717-8034 hanapin lamang si Francis Machado, Mark Heredero o si Norma Lyn Dave para sa iba pang detalye.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |