CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, May 31 CIO - Pag-iibayuhin na ang pagpapatupad ng Ordinansa Bilang 698 na ang layunin ay mapaayos ang mga negosyo sa Puerto Princesa na nalilinya sa Computer System Servicing, Consumer Electronic Servicing at Electronic Products Assembly and Servicing. Sa pamamagitan nito ay mabibigyang proteksiyon ang mga gadgets ng mga kliyente sa mga mapaglinlang na mga nagre-repair o sa mga naglalagay ng mga sistema sa mga computer at sa nagbebenta ng dispalinghadong mga spareparts.
Binalangkas ito dahil sa maraming pagkakataon na tuluyang nang nasisira at di na napapakinabangan ang mga gadgets,dahil binuksan ito ng technician na walang sapat na kaalaman, bukod pa sa walang mabiling piyesang para sa pag-repair at pinapalitan na lamang ng mga di angkop na spareparts. Sa ilalim ng ordinansa, itinatakda na kinakailangang ang mga computer system servicing business at electronic products assembly ay may technician may sertipikong NC II mula sa TESDA at NCIII naman para sa consumer electronic servicing business. Ang pagkakaroon ng mga rehistradong technician ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng may ganitong negosyo upang mabigyan ng lisensya at permiso . Dapat nilang i-display ang pinatunayang kopya ng mga sertipiko para sa kaalaman ng mga kliyente.
Binibigyang kapangyarihan din ng Ordinansa Bilang 698 ang City Licensing and Permits Division sa pakikipagtulungan ng kapulisan o sa mga opisyales ng barangay na maaaring magsagawa ng pagbisita upang makatiyak na sumusunod ang mga negosyante sa nasabing ordinansa. Itinakda rin nito ang mga multa at parusa sa mga lalabag : P2,000 para sa unang paglabag, P4,000 sa ikalawa at P5,000 sa ikatlong pagkakataon o 6 na buwang kulong ayon sa diskresyon ng husgado.
Ang Ordinansa Bilang 698 ay binalangkas nina Kgd. Modesto Rodriguez at Eleutherius Edualino na pinagtibay naman ng 14th Sangguniang Panlungsod at inaprobahan ni Punong Lungsod Lucilo R. Bayron noong Oktubre 7, 2015.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |