CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, CIO - 42 na may-ari at kinatawan ng mga pribadong establisamento sa Puerto Princesa City ang dumalo sa Employers Forum na ginanap noong Abril 8, 2016 sa Hotel Centro. Ito ay kabahagi ng pagpapatupad ng Jobstart Program ng Kagawaran ng Paggawa at Empleyo o Dept. of Labor and Employment. Ikalawang “roll out “ ito ng nasabing programa kung saan kabilang ang Puerto Princesa sa labing-apat na siyudad sa Pilipinas at nag-iisa sa rehiyon ng MIMAROPA. Naging panauhing tagapagsalita ang mga kinatawan ng Scope Global na si G. Simon Fraser, Bb. Charlene Lleva ng Bureau of Local Employment, DOLE at G. Peter James Cortazar ng DOLE Palawan Field Office. Kabilang din si G. Demetrio Lopez Jr., City PESO Manager sa mga tagapagpaliwanag sa bahaging talakayan.
Ang Jobstart Program ay laan para sa mga kabataang Pilipino na may edad 18-24 taong gulang hindi nag-aaral at walang trabaho. Sa ilalim nito magbibigay ng 10 araw na life skills training, 3 buwang teknikal na pagsasanay at 3 buwan intership para sa kabataang mapipili. Ang kalahok na mga establisamento naman ay makakatanggap ng tig- P1,000 bilang pang-administratibong bayarin at ng gastusin sa pagsasanay ng bawat kabataan na sasailalim sa kanilang pagtuturo ng teknikal na kaalaman at sa intership. Kapag walang kakayahan ang “employer, maari ring sa TESDA sumailalim ng teknikal na pagsasanay.
Bilang katuparan ng kanilang“corporate social responsibility” babayaran naman ng employer ang bawat “intern” ng 75% ng minimum na arawang sweldo o P213.75. Matapos ang intership period nasa desisyon naman employer kung kukunin ang bata bilang regular na manggagawa.
Ipinaabot naman ng punong ehekutibo ng lungsod sa pamamagitan ni City Tourism Officer Aileen Cynthia Amurao ang buong pusong suporta at pasasalamat sa programang Jobstart. Aniya, malaki ang maitutulong nito sa mga nakaistambay na mga kabataan upang maging produktibo at maging responsable sa kani-kanilang pamilya.
Inaasahan din ng pamunuan ng pamahalaang lungsod ang kahintulad na tulong at pagsuporta mula sa mga may-ari ng establisamento sa hanay ng turismo, agrikultura, konstrukyon at iba pang negosyo sa nasabing Jobstart program.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |