CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, July 23 CIO - Isang resolusyon ang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod, ang Resolution No. 1224-2015, na naglalayon humiling sa Kagalang-galang na Alkalde Lucilo R. Bayron, na makipag-usap sa pamunuan ng Department of Justice at Iwahig Prison and Penal Farm na maglaan ng sampung (10) ektarya ng lupang nasasakupan nito sa Barangay Iwahig upang gawing panibagong sementeryo ng Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa naging talakayan sa ginanap na ika-107th na regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod nitong ika-20 ng Hulyo, taong kasulukuyan, sinabi ni Kagalang-galang Roy Gregorio G. Ventura, punong may-akda at Chairman ng Committee Health and Sanitation, ito ay upang mabigyan ng sapat na lugar ang lungsod, sapagkat masikip at puno na ang dalawang (2) naunang pampublikong sementeryo na sa loob ng mahabang panahon ay hindi na muling napalawakan.

            Inaaasahan na ito ay agarang tutugunan ng Punong Lungsod na makipag-usap sa pamunuan ng DOJ at Iwahig Prison and Penal Farm sa kadahilanang isa ito sa mga pangunahing pangangailangan upang mapanatili ang mahusay na pangangalaga sa mga pampublikong sementeryo.

            Samantala, hiniling ni Kagalang-galang Bise Mayor Luis M. Marcaida III, sa kapulungan, partikular sa Chairman ng Committee on Appropriations, Konsehal Modesto V. Rodriguez II na maisama sa paglalaanan ng kaukulang pondo sa susunod na taon ang pagkakaroon ng panibagong City Cemetery, upang matugunan ang naturang pangangailangan.(SP)

 

 

 

Article Type: 
Categories: