CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, July 23 SP - Sa ikalawang pagbasa ay inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang mga ordinansang magdedeklara sa dalawang (2) marine fish sanctuary. Ito ay ang Tangdol Reef ng Barangay Bancao-Bancao at Tagkuti Reef ng Barangay Simpokan.
Inilahad ni Kagalang-galang Victor S. Oliveros, Chairman ng Committee on Food, Agriculture and Fisheries na ilang bahagi ng karagatang sakop ng Barangay Bancao-Bancao ang maidedeklarang sangtwaryo o 23.19 na hektarya na nasa gawing parte ng Jacana Road. Ito ay upang mapangalagaan ang isang coral transplantation technology project sa pagitan ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Aquatic and Natural Resources Research Development (DOST-PCAARD), Sangkalikasan Producers Cooperative, Western Philippines University, Western Command at sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa. Ang Tagkuti Reef sa Barangay Simpokan ay may kabuuang laki na 63.5 na ektarya.
Siniguro naman ni Kagalang-galang Peter Q. Maristela na ang pagdedeklara ng mga naturang karagatan bilang isang sangtwaryo ay hindi magiging sagabal sa mga maliit na mangingisda sa mga naturang Barangay ng Lungsod. Bagaman naging agam-agam ito ng naturang Konsehal ay ipinaliwanag ni Bise Mayor Luis M. Marcaida III na ang karagatang nasasakop ng Barangay Bancao-Bancao ay may kalawakan subalit ang Tangdol Reef ay maliit na parte lamang nito at tunay na kinakikitaan ng kakayahan na magparami ng mga isda sa pamamagitan ng mga corals na napapaloob dito.
Samantala, inaasahan sa susunod na regular na sesyon ng Sanggunian ay pormal ng a-aprubahan sa huli at ikatlong pagbasa ang naturang deklarasyon upang patuloy na mapangalagaan ang yamang dagat ng Lungsod. Dagdag pa ni Kagalang-galang Konsehal Modesto Rodriguez II ang pagdedeklara ng mga sangtwaryo ay sa bisa ng isang kalatas mula sa national government na naghihikayat sa mga lokal na pamahalaan na magtalaga o magdeklara ng mga sangtwaryo upang mapalaganap at mapanatili ang mga lugar na pangitlugan ng mga isda sa karagatan.(SP)
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |