CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, July 9 SP - Muling ipinatawag ng Sangguniang Panlungsod ang Palawan Electric Cooperative (PALECO), DMCI, Delta P at PPGI sa naganap nitong ika-105th na Regular na Sesyon noong ika-6 ng buwang kasalukuyan, ito ay upang alamin kung kinakailangan pa nga bang mag deklara ng power crisis ang Lungsod ng Puerto Princesa.

 

            Naging mariin ang katanungan ni Kagalang-galang Modesto “Jonjie” Rodriguez II sa mga dumalong power group family. Ayon kay Konsehal Rodriguez, “Kung talaga nga bang kinakailangan pang magdeklara ang Lungsod ng krisis sa kuryente at ano ang maaring maidulot nito upang solusyunan ang naturang suliranin ng Lungsod.”

 

            Tahasang sinagot ng bagong talagang Plant Manager ng DMCI na si Engr. Teope Cadiz na, “Sa kanilang opinion ito ay hindi na kinakailangan sapagkat dumating na sa Lungsod ng Puerto Princesa ang kanilang pitong (7) service unit na mga makina na syang magbibigay ng katugunan sa kakulangan nitong dependable capacity, at kanilang inaasahan ang 25.19 megawatts na serbisyo nito. Sa panig naman ng Delta P, ayon kay Ginoong Cristoper Navarro, “Ang PALECO ang may kakayahang sumagot kung talaga nga bang nangangailangan pang magdeklara ng krisis sa Lungsod.”

 

            Samantala, sa panig ng PALECO bagaman ang mga dumalong kawani nito ay hindi otorisadong sagutin ang mga katanungang may patungkol sa naturang usapin ay nagbigay ng kanyang sariling opinion si Ginang Maria Lolita Decano, na kung makakatupad lamang sa kanilang mga energy commitment ang tatlong (3) power providers ay hindi na nangangailangan pang mag-deklara ang Lungsod ng Puerto Princesa ng krisis sa kuryente.

 

            Tinalakay din ng Kapulungan ang nagbabadyang pagtaas ng singilin ng National Power Corporation sa pamamagitan ng Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) at ang Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) na ayon sa PALECO ay magtataas ng P0.4081 per kilowatt hour. Ito umano ay tahasang tinutulan ng pamunuan ng PALECO sapagkat hindi naman ang kabuuan ng lalawigan ang nabibigyan ng daloy ng kuryente. Samantala, sa mga susunod na araw ay inaasahan ng PALECO ang muling pagpapatawag sa kanila ng Energy Regulatory Commission sa naging oposisyon nito sa naturang pagtataas.

 

            Inaasahan ng Sangguniang Panlungsod na sa lalong madaling panahon ay matugunan ang naturang suliranin at mapagserbisyuhan nang nararapat ang mga mamamayan ng Lungsod ng Puerto Princesa.

 

Article Type: 
Categories: