CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Bago pa man ideklara ang taong 2015 bilang “Visit the Philippines Year, ang Pamahalaang Lungsod ay nakapaghanay na ng iba’t ibang programa at  aktibidad upang maisulong ang higit na masiglang industriya ng turismo sa Puerto Princesa sa pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sector.

 

Ito  ang masayang inihayag ni City Mayor Lucilo R. Bayron bilang suporta sa Proclamation No. 991 na ipinalabas ng Pangulong Aquino noong nakaraang linggo na nagtatakda sa taong kasalukuyan bilang “Visit the Philippines Year”.

 

Sa naturang proklamasyon ay inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang pambansang ahensiya at lokal na pamahalaan na suportahan ang ginagawang hakbang ng Department of Tourism para paunlarin ang turismo ng bansa.
           

Sinabi ng alkalde na ngayong buwan lamang ng Abril ay nakahanda na ang sanlinggong selebrasyon ng “Pangalipay sa Baybay” na nagtatampok ng gabi-gabing kasayahan at mga panoorin sa Baywalk. Ang pinakasentro ng pagdiriwang ay ang selebrasyon sa Abril 21 ng ika-70 aniberasyo sa pagkakamit ng kalayaan ng mga mamamayan mula sa kamay ng mga mananakop noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

 

Idinugtong ng alkalde na sa okasyong ito ay daan-daang panauhin ang inaasahang darating sa pangunguna ng matataas na opisyal ng pamahalaang nasyunal at mga embahador ng Amerika, Australia at Japan.

 

 

Sa buwan ng Hunyo ay muli ring isasagawa ang taunang “Pista Y Ang Kagueban” na nangangalaga sa mga kabundukan ng lungsod upang mapanatili ang pagyabong ng mga punongkahoy para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.

 

Idinagdag ni Mayor Bayron na sa kasalukuyang taon lamang buhat noong Enero ay naitala ang halos walang humpay na pagdagsa ng mga turista na karamihan ay naging saksi sa taunang “Love Affair With Nature” noong Pebrero 14 na nagtatampok sa malawakang pagtatanim ng mga bakawan upang mapangalagaan ang natural habitat ng mga yamang-dagat.

 

Sa katunayan, wika ni Mayor Bayron, simula sa kanyang pag-upo sa tungkulin noong Hulyo 2013 ay naging matagumpay ang kanyang administrasyon na pataasin ang bilang ng mga dumadayong turista sa Puerto Princesa, lokal man o banyaga sa tulong ng iba’t ibang stakeholders sa industriya.

 

Minsan pang inilahad ng alkalde na sa pagtatapos ng 2013 ay mayroong naitalang 692,982 tourists arrivals kumpara sa 654,033. lamang sa buong taon ng 2012, taliwas sa paninira ng kanyang mga katunggali sa pulitika na bumabagsak ang industriya sa lungsod. Ito ay lalo pang tumaas noong nakaraang taon sa naitalang 740,272 tourists arrivals.

 

Idinugtong din ng alkalde na nagpapatuloy ang lingguhang biyahe ng mga cruise ships na dumadalaw sa lungsod mula sa mga kalapit na bansa sa Asya at maging ng mga nagmumula sa mga bansa ng Europa.

 

Sa kasalukuyan ay patuloy din ang lingguhang pagdating ng mga panauhin mula sa Taiwan sa pamamagitan ng chartered Philippine Airlines flight na Taipei-Puerto Princesa-Taipei sa magkatuwang na pagtataguyod ng pamahalaang Taiwan, Manila Economic Cooperation Office sa Taipei, Department of Tourism at City Tourism Office na magtatagal hanggang sa buwan ng Hunyo. Hindi pa kasama dito ang pagdating ng iba’t ibang grupo ng mga local na opisyal buhat sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa kanilang “Lakbay-Aral”

 

Nakasaad din sa direktiba ni Aquino na dapat gumawa ng nagkakaisang kalendaryo ng mga aktibidad ang mga kagawaran tungkol sa turismo at gamitin ang official logo para sa Visit the Philippines Year 2015. Kasama rin sa inatasan ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba't ibang panig ng mundo na tumulong para sa pagpapakalat ng impormasyon para isulong ang turismo ng bansa. Inatasan din ang Postmaster General na magpalabas ng special stamp para sa Visit the Philippines campaign. Hinikayat din sa proklamasyon ang mga pribadong kompanya gaya ng hotels, tour companies, restaurants at souvenir shops na suportahan ang kampanya ng DOT at lumikha rin ng mga programa at packages para sa local at foreign tourists. Ngayong taon, inaasahan ng DOT na aabot sa 5.5 milyon ang dayuhang turista na bibisita saPilipinas. 

 

Sa Pilipinas gagawin ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Forum ngayong taon, at sa 2016 naman ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Tourism Forum. Nakikita ng pamahalaan na magagamit ang dalawang pagtitipon para maisulong ang turismo ng Pilipinas. 

 

 

 

Article Type: 
Categories: