CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puspusang isinusulong ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang katuparan ng pagpapaayos at pagpapaganda ng terminal at pantalan sa Sitio Sabang, Brgy. Cabayugan na siyang tahanan ng bantog sa buong mundo na Puerto Princesa Underground River na walang humpay na dinarayo ng mga lokal at banyagang turista.
Ito ang tiniyak ni City Mayor Lucilo R. Bayron sa mga local na mamamahayag kasunod ng pagsisimula ng 3-araw na selebrasyon ng “Araw ng Taraw” na siyang ika-44 na anibersaryo sa pagkakadeklara ng PuertoPrincesa Subterranean River National Park noong 1971 na ngayon ay higit na kilala bilang Puerto Princesa Underground River o PPUR.
Ayon sa alkalde, naaprubahan na ng Tourism Infrastructure Economic Zone Authority o TIEZA ang pondong P50-milyon para sa naturang proyekto at sa katunayan ay dinagdagan pa ng P15-milyon para sa detailed engineering studies bago pa man simulan kung kaya’t mayroon na itong kabuuang P65-M napondo. Sa panig ng Pamahalaang Lungsod ay naglaan naman ito ng P10-M bilang counterpart fund.
Sinabi ni Mayor Bayron na sa sandaling maisakatuparan ang konstruksiyon ng terminal, pangarap niyang maging ruta ito ng maliliit na cruise ship na iikot sa lalawigan mula sa Sabang wharf, patungo sa El Nido at Coron at pagkatapos ay tutuloy sa Boracay at muling babalik sa Puerto Princesa kung saan sa bawat biyahe ay mayroong panibagong dagsa ng mga turista.
Idinugtong ng alkalde na dalawang magkahiwalay ngunit magkalapit na terminal ang gagawin para sa maliliit na cruise ships ang itatayo at sa grupo ng mga mangingisda upang lalong mapasigla at mapaunlad ang industriya ng pangisdaan sa lugar.
Sa maigsing mensahe ni Mayor Bayron sa programang inihanda para sa “Araw ng Taraw”, kanyang kinilala at pinasalamatan ang pagpupunyagi ni Park Supt. Elizabeth Maclang at mga opisyal at residente ng mga barangay Cabayugan, Marufinas, Tagabinit at New Panggangan na bahagi sa pagkakadeklara ng national park.
Pinuri din ng alkalde ang mabilis na pagkakatayo ng kahit pansamantal ng waiting shed upang may masilungan ang mga turista sa pantalan habang naghihintay ng kanilang biyahe patungo sa PPUR lalo na sa panahong ito ng tag-araw at para na rin sa susunod na panahon ng tag-ulan.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga tauhan ng PNP, Philippine Coast Guard at Philippine Marines na nakatalaga sa lugar upang pangalagaan ang kaayusan at seguridad ng lahat.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |