CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Feb. 13 CIO - Sisimulan nang pag-aralan ngayon ng isang kompanyang nakabase sa Singapore ang posibilidad na makapagtayo ng isang pasilidad upang ang mga basura sa lungsod ng Puerto Princesa ay makalikha ng elektrisidad at maging daan sa produksiyon ng diesel o krudo at iba pang kahalintulad na produkto ng petrolyo.
Ito ang ipinabatid kahapon kay City Mayor Lucilo R. Bayron ng mga kinatawan ng Sure Globe Waste2Worth matapos makipagpulong sa mga kinauukulang opisina ng siyudad na namamahala sa paghahakot ng basura.
Ipinaliwanag ni Jill Bouhgton, project director ng kompanya, na malaki ang matitipid ng gobyerno kung hindi na nito papasanin ang pasahod sa mga naghahakot ng basura at maging sa mga manggagawa sa sanitary landfill sa sandaling maipatupad sa lungsod ng Puerto Princesa ang programang tinawag na “Waste-to-Worth”. Manapa’y makapagbibigay pa ito ng karagdagang oportunidad sa mga walang hanapbuhay.
Ito ang konsepto ng isang makabagong teknolohiya na iniharap kay Mayor Bayron na ang pangunahing layunin ay mapakinabangan ang mga basura nang walang gastos ang gobyerno ngunit kapaki-pakinabang sa mga mamamayan.
Sinabi ng alkalde na sa ilalim ng programang ito, ang tanging kontribusyon ng pamahalaang lungsod ay ang pagtatalaga ng isang lugar na mapagtatayuan ng planta na magpu-proseso sa mga basura upang makalikha ng elektrisidad at diesel mula dito nang walang gastos ang gobyerno
Napag-alaman ni Mayor Bayron na ang proyekto ay nakahandang tustusan ng World Bank at Procter and Gamble sa tulong ng iba pang international at local financing institutions.
Matapos mapag-aralang mabuti ang mga nakalap na impormasyon para sa proyekto, magbabalik sa lungsod ang mga proponente nito pagkaraan ng dalawang buwan upang isumite sa siyudad ang mga nabalangkas na detalye para dito.
Ayon sa alkalde, ang nabanggit na kompanya ay isa lamang sa mga lumalapit sa Pamahalaang Lungsod na nag-aalok ng iba’t ibang kaparaanan ng pagkukunan ng enerhiya upang makatulong sa mga lugar na ginigiyagis ng kasalatan ng sapat na supply ng elektrisidad. Ito aniya, ay malaking tulong din sa industriya ng tranportasyon sa dahilang mapapababa ang halaga ng mga produktong petrolyo na manggagaling dito.
Sinabi ng alkalde na ang mga panukalang katulad nito ay tinatanggap at pinag-aaralan ding mabuti ng Pamahalaang Lungsod para sa kapakanan ng mga mamamayan lalo na kung makapagbibigay ng magandang pagkakataon sa mga walang hanapbuhay..
Napag-alaman na maliban sa Puerto Princesa, naipakilala na rin ang konsepto ng programa sa mga pamahalaang lokal ng Angeles City sa Pampanga, Dagupan City sa Pangasinan, Cabuyao sa lalawigan ng Laguna at Bacolod City sa Negros Occidental.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |