CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Feb. 13 CIO - Inatasan ni City Mayor Lucilo R. Bayron ang iba’t ibang mga sangay ng Pamahalaang Lungsod na makipag-ugnayan sa mga law enforcement agencies sa siyudad upang lubusang mapangalagaan ang seguridad ng mga nagdadagsaang panauhin at gayundin ang mga residente sa panahong ito.
Ang verbal instruction ay ipinalabas ng alkalde sa buwanang pagpupulong ng City Peace and Order Council na kanyang pinamumunuan.
Ang hakbang ni Mayor Bayron ay kasabay ng pagdadatingan ng hindi kukulangin sa 4,500 delegado para sa 3-araw na international convention ng Singles for Christ na gaganapin sa City Coliseum simula Pebrero 13.
Ang mga panauhin na binubuo ng karamihan ay mga kabataan mula sa iba’t ibang bansa ay nagsimulang nagdatingan kamakalawa, dahilan upang maging punuan ang mga hotel, pension houses, lodging inns at iba pang kahalintulad na matutuluyan.
Kasabay ng aktibidad na ito ay nakatakdang dumating naman sa lungsod ngayong tanghali ang mayroong 156 na turista mula sa Taipei, Taiwan lulan ng maiden flight ng chartered Philippine Airlines airbus patungo rito sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Bayron na kahapon ay dumating sa kanyang tanggapan ang mga kinatawan ng Department of Tourism na nakabase sa Taiwan at mga opisyal ng Manila Economic Cooperation Summit (MECO) buhat sa nasabing bansa upang asikasuhin ang mga lugar na papasyalan ng mga bisita.
Ayon sa alkalde, ang mga panauhin ay titigil at magtutungo sa ibat’- ibang panig ng siyudad sa loob ng kanilang tatlo hanggang apat na araw at gabing pananatili sa Puerto Princesa.
Una nang inihayag ni Mayor Bayron na ito ay unang biyahe pa lamang ng mga turistang Taiwanese sa lingguhang PAL flight patungo dito sa lungsod sa loob ng 5 buwan.
Bunsod nito ay hiniling ng alkalde ang kooperasyon ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagpapaabot ng hospitalidad sa mga panauhin.
Idinugtong ng alkalde na ang pagdagsa ng mga bisitang turista ay nakagagalak sapagkat ito ay makapagpapasigla sa daloy ng ekonomiya sa dahilang ang halos lahat ng sektor ng pamayanan ay makikinabang.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |