CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa Jan. 30 CIO - Pinag-aaralan ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang posibilidad na pahabain ang panahon ng selebrasyon ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) Day nang hanggang isang linggo.
Sinabi ni Mayor Lucilo R. Bayron na ang unang pagdiriwang ng PPUR Day noong nakaraang Nobyembre 11, 2014 ay naging matagumpay sa pagdagsa ng maraming panauhin hindi lamang mula sa lungsod at lalawigan kundi maging ng mga lokal at dayuhang turista.
Naniniwala ang alkalde na kung paghahandaan ang selebrasyon ay maaari itong paabutin ng isang lingo sa susunod na taon tulad ng Masskara Festival sa Bacolod, Sinulog sa Cebu at Ati-Atihan sa Aklan.
Katulad ng mga nabanggit na pagdiriwang, maaari din umano itong maging makulay sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga costumes na tutugma sa kaanyuan ng mga buhay-ilang o mga nakikitang hayop sa PPUR at maging sa iba pang panig ng Palawan na ditto lamang matatagpuan.
Ayon kay Mayor Bayron, ang plano ay maaaring maisakatuparan sa pamamagitan ng suportang iba’t ibang paaralan sa lungsod kasama ang mga non-government organizations at iba pang samahan sa tulong ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at gayundin ng mga mamamayan.
Idinagdag ng alkalde na ang isang linggong PPUR Festival ay magsisilbing dagdag na atraksiyon sa turista na lalong magpapaigting sa pagsusulong ng turismo sa siyudad.
Ang hakbang, aniya, ay mangangahulugan din ng pagkakaroon ng karagdagang pagkakakitaan ang mga mamamayan.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |