CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Jan. 27 CIO - Inaasahan ng pamahalaang-lungsod ng Puerto Princesa na mababawasan pa ng P200-M ang cash deficit ng siyudad pagsapit ng kalagitnaan ng 2015 sa sandaling mailabas ng Commission on Audit (COA) ang 2014 audit report nito.
Sinabi ni Mayor Lucilo R. Bayron na sa loob lamang ng unang anim na buwan na kanyang panunungkulan ay nabawasan kaagad ng mahigit P200-M ang P663-M cash deficit ng City Government batay sa COA annual budget report ng taong 2012. Ang cash deficit ay kakulangan ng pondo kumpara sa obligasyong pinansiyal ng lokal na pamahalaan.
Maliban dito inihayag ng alkalde na ang iniwang P159-M contractual obligations ng nagdaang administrasyon mula 2010 hanggang Hunyo 2013 ay nabayaran na ang malaking bahagi nito at ang natitira na lamang ay P13-M hanggang Mayo ng nakalipas na taon.
Idinugtong ni Mayor Bayron na ang outstanding cash advances na P37-M na kanyang dinatnan ay napaliit na rin at mayroon na lamang nalalabing P17-M.
Ipinagmalaki rin ng alkalde na ang P32-M na pagkakautang ng siyudad sa Palawan Electric Cooperative. Inc. (Paleco) bago siya naupo sa tungkulin ay nabayaran na rin. Kasabay nito ay hiniling ng punong-lungsod sa pangasiwaan ng Paleco na huwag gipitin at bigyan ng sapat na panahon ang maliliit na konsumidores na makapagbayad ng buwanang konsumo bago putulan ng kuryente na pinaunlakan naman ng Paleco.
Sa kasalukuyan wika ng alkalde ang pananalapi ng Pamahalaang Lungsod ay mayroong depositong P50-M sa ilalim ng tinatawag na high-yielding savings account na ayon sa City Treasurer’s Office ay ngayon lamang nangyari sa nakalipas na 20 taon.
Kasabay nito ay tiniyak ni Mayor Bayron sa mga mamamayan na hindi magiging maluho o magarbo at magastos ang kanyang administrasyon. Bagama’t mayroong binabayarang mga obligasyong ipinamana ang sinundan niyang administrasyon ay hindi naman aniya, nagpapabaya ang kanyang tanggapan na maiparating sa mga mamamayan ang tunay na serbisyo na pinatunayan ng mga naisakatuparan na niyang mga programa at proyekto sa larangan ng imprastruktura, elektripikasyon, edukasyon at ayuda sa senior citizens at mga kababayang may kapansanan sa loob lamang ng maigsing isa at kalahating taon.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |