CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Jan.13 CIO – Pinasalamatan ni Mayor Lucilo R. Bayron ang buong puwersa ng Philippine National Police sa pagkakaroon ng mapayapang pagsalubong ng masiglang Bagong Taon sa lungsod ng Puerto Princesa sa pakikipagtulungan ng Western Command at iba pang ahensiya ng pamahalaan hanggang sa hanay ng mga barangay.
Binigyang-diin ng alkalde na sa kabila ng police-to-population ratio na 1:596 ay natugunan ng City PNP ang kanilang mga tungkulin kaugnay ng mga problema sa kriminalidad at napapangalagaan ang panloob na seguridad ng siyudad.
Batay sa 2014 annual accomplishment report ng City PNP, ang crime incidents mula Enero hanggang Disyembre 15, 2014 ay higit na mababa kaysa sa mga naitalang insidente sa ganito ring panahon noong 2013.
Isinasaad sa report ng pulisya na ang total index crime noong 2013 ay umabot sa 1,110 ngunit bumaba sa 749 sa katatapos na taon. Ang index crimes ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injuries, pagnanakaw at carnapping.
Ang non-index crime noong 2013 ay naitalang umabot sa 1,477 samantalang sa katatapos na taon ay mayroon lamang naitalang 813. Ang tinatawag na non-index crime ay kinapapalooban ng paglabag sa mga ordinansa, batas-pangkalikasan at iba pang mga kahalintulad nito.
Ayon sa opisyal na ulat ng pulisya, sinabi ni Mayor Bayron na noong 2013 mayroong total crime volume na 2,587 sa siyudad subalit malaki ang ibinaba nito na 1,562 crime volume sa katatapos na taong 2014. Ito ay nabawasan ng 1,025 na kaso o katumbas ng 39.62% crime incidents sa lungsod.
Sa executing summary ng City PNP mula Hulyo 1, 2013 hanggang Hunyo 30, 2014 ay isinasaad na sa 854 crime incidents ay 61 sa mga ito ang nalutas o katumbas ng 4.48% crime solution efficiency rating. Higit itong mataas ng 2.53% kung ikukumpara sa panahong Hulyo 2012 hanggang Hunyo 2013.
Sa 66 na barangay ng Puerto Princesa City, ang Brgy. San Miguel at San Pedro ang may pinakamataas na crime incidents na 86 at 80, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi ng alkalde na ang 2014 accomplishment report ng City PNP ay nagpapatunay lamang na walang basehan ang mga alegasyon at paninirang ipinupukol sa kanya ng mga katunggali sa pulitika na nagsasabing lumubha ang kriminalidad mula nagn siya ay manungkulan. Ang tanging layunin lamang umano ay protektahan ang pansariling interes at iligaw sa katotohanan ang mga mamamayan.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |