CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Nov. 18 CIO - Ito ang paglalarawang ibinigay ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Rodriguez Bayron sa naganap na kauna-unahang pagdiriwang ng Puerto Princesa Underground River Day nitong Nobyembre 11, 2014.

Naging makulay at masigla ang nasabing pagdaraos na dinaluhan ng halos sampung libong katao, mas higit pa kumpara sa mga nakaraang malakihang pagdaraos na nagaganap sa lungsod, ayon sa datos ng City Traffic Management Office.

Sa thanksgiving parade, pinangunahan ng alkalde kasama si Vice Mayor Luis Marcaida III at  mga kagawad ang pagmartsa sa Rizal Avenue suot nila ang “tandikan” o peacock headdress na simbolo ng Puerto Princesa. Kasama din sa parada ang mga opisyales at mga kawani ng pamahalaang lungsod, lalawigan at nasyonal, ganun din ang ilang kinatawan mula sa iba’t ibang paaralan, mga katutubo, non-government organizations at sa pribadong sektor.

Sa kumpas ng mala-piestang tugtugan mula sa iba’t-ibang grupo ng drum and lyre, nakiindak ang mga nagparada, suot ang iba’t ibang makukulay na maskara at kasuutang kumakatawan sa iba’t-ibang hayop na matatagpuan sa kagubatang sakop ng Underground River.

Kasabay ang mga karosa o floats na may temang pangkalikasan at disenyong kweba na may tubig, tinungo ng mga ito ang City Baywalk para sa isang programang pasasalamat. Dito nag-alay ng mala-katutubong sayaw at awit ang ilang mga grupo, gayun din ang mga katutubong Batak at Tagbanua na nakatira mismo sa Puerto Princesa Subterranean River National Park. Itinampok din ang magarbong fireworks display na ikinatuwa ng mga manonood.

Dito na rin pinuri at pinasalamatan ni Mayor Bayron ang lahat ng mga dumalo at sumuporta sa primerong pagdiriwang. Kasama rin sa mga nagbigay ng kanilang papuri at suporta ay ang mga kinatawan mula New Seven Wonders of Nature Foundation na si Jean Paul dela Fuente at si Prof. Eric Zerrudo ng UNESCO Phillipines. Kumatawan din si Assistant Secretary Eddie Nuque ng Malacanang at si Director Vincent Hilomen ng DENR.

Ani Bayron, mas palalakihin pa ang mga susunod na pagdiriwang ng Puerto Princesa Underground River Day, bilang paggunita sa pagkahirang nito bilang isa sa mga New Seven Wonders of Nature, noong Nobyembre 11, 2011, batay sa Presidential Proclamation No. 816.

Matatandaang nilagdaan ng Pangulong Benigno S. Aquino III ang nasabing batas noong Hulyo 3, 2014, kung saan hinimok nito ang iba’t ibang sector ng lipunan, mapa-gobyerno man o pribado, lokal man o nasyonal, na makibahagi sa paggunita ng naturang araw.

Article Type: 
Categories: