CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Nov. 3 CIO - Isang araw na magtatagal sa daungan ng lungsod ang MV Super star Aquarius lulan ang 1,500 turista mula sa karatig bansa sa Asya katulad ng Singapore, China at Malaysia. Ito ang kauna-unahang magtatagal ng isang araw ang isang barkong panturista sa lugar na kanilang pinupuntahan.
Ang pagdating ng naturang cruise ship ay kaugnay sa mga nauna nang pag-uusap ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Tourism Department kasama ang ilang mga tourism stakeholders at ng Star Cruises na namamahala sa MV Superstar Aquarius at sa iba pang barkong panturista.
Ang mahigit sa isanlibo at limandaang mga turista ay hahatiin sa iba’t ibang pook-pasyalan sa lungsod, katulad ng Puerto Princesa Underground River, Honda Bay Island Hopping, Firefly Watching, City Tour.
Ang MV Superstar Aquarius ay darating sa daungan ng lungsod sa ika-10 ng Nobyembre ganap na ika-3 ng hapon at magtatagal hanggang ika-11 ng Nobyembre at nakatakdang umalis ganap na ika-3 ng hapon.
Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng City Tourism Department sa kooperasyon na binibigay ng mga tourism stakeholders simula sa larangan ng transportasyon, restawran/kainan, travel & tours, souvenir shops at iba pa.
Inaasahan na ang pagdaung na ito ng mga cruise ships sa lungsod ay isang indikasyon ng patuloy na pagsulong ng turismo kung saan magiging malaking tulong sa ekonomiya ng lugar.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |