CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Jan.19 - Nakatakda nang pasimulan sa lalong madaling panahon ang water system projects sa apat(4) na barangay sa lungsod matapos na makapagsagawa ng ground-breaking ceremony sa Bgy. Binduyan habang magkasunod namang isinagawa ang seremonya noong ika-9 ng Enero taong kasulukuyan para sa mga barangay ng Bagong Bayon, Napsan at Luzviminda.
Pinangunahan ni General Manager Antonio Jesus Romasanta at Bgy. Captain Macario Fabrigas ang ground-breaking ng proyekto para sa Bgy. Binduyan na tinatayang magkakahalaga ng 5 milyong piso. Isang milyon ang kabahagi ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa mula sa 1.9M na halagang ilalaan para sa phase I.
Dinaluhan naman ni Hon. Mayor Lucilo R. Bayron ang ground- breaking ceremonies para sa mga barangay ng Bagong Bayan, Napsan at Luzviminda na kung saan nakatuwang niya sa pangunguna sa seremonya sina GM Romasanta, Bgy. Captain Danilo Villawala(Bagong Bayan), Bgy. Captain Gerry Acosta(Napsan) at Bgy. Captain Angelita Dalma(Luzviminda).
Ang proyektong patubig sa Bgy. Bagong Bayan ay rehabilitasyon na lamang na nagkakahalaga ng 362,545 at pinondohan ng City Government. Maghahanap naman ang ahensiya ng karagdagang 1 milyong piso para makumpleto ang sistema ng patubig sa Bgy. Bagong Bayan. Tinataya namang aabutin ng 7.67 milyong piso bago makumpleto ang water system project sa Napsan, na inisyal namang pinondohan ng 3 milyong piso ng local na pamahalaan. Nasa 5.2 milyong piso naman ang inilaan ng City Government para sa phase 1 ng patubig sa Luzviminda. Mangangailangan pa ng karagdagang pondo dahil tinatayang nasa 10.7 milyon ang magagastos para mabenepisyuhan ang lahat ng residente ng naturang barangay.
Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng mga liber ng apat na nasabing barangay sa handog sa kanilang proyekto ng LGU at ng Water District.
Tatlong bagay naman ang binigyang-diin ni Mayor Bayron sa kanyang mensahe sa mga benepisyo ng proyekto. Una ang kahalagahan ng ligtas na tubig, ikalawa ang “convenience” na hatid ng proyekto at ikatlo ang paglalaan ng oras sa iba pang mas kapaki-pakinabang na Gawain kaysa sa pag-igib ng tubig mula sa malayong lugar.
Nananawagan naman si GM Romasanta sa mga barangay officials at sa mismong mga residente na makipagtulungan pasa sa tuloy-tuloy na takbo ng proyekto. Binigyang-diin nito ang pagkakaroon ng malasakit ng mga residente sa mga pasilidad ng Water District upang matiyak ang paghahatid ng serbisyo ng ligtas ng tubig sa kanilang lugar.(ppcwd)
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |