CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Mahigpit na iniutos ni City Mayor Lucilo R. Bayron sa pulisya ng lungsod na pag-ibayuhin ang imbestigasyon sa dalawang magkasunod na kaso ng panghu-holdap kamakailan para sa ikadarakip ng mga pinaghihinalaan.
Ang utos ng alkalde ay ipinalabas kasabay ng pagdiriwang ng 24th founding anniversary ng Philippine National Police.
Ang unang kaso ay naganap noong nakaraang buwan sa Brgy. Mangingisda samantalang ang pangalawa ay noong Pebrero 21 na ikinamatay ng driver ng delivery van habang ito ay tumatakbo sa kahabaan ng zigzag road sa Brgy. Luzviminda.
“Binibigyan ko kayo ng instruction na gamitin ninyo lahat ang resources ng City PNP. Lutasin natin yung dalawang nangyaring holdapan sa south road. Hindi dapat magkaroon ng pangatlo ito. Kailangang mayroong presensiya ang kapulisan sa area na ‘yan dahil dalawang beses na nangyari. Hindi natin mapapalampas yan,” mariing pahayag ng alkalde.
Kasabay nito ay inatasan din ni Mayor Bayron si acting City PNP Director Sr. Supt. Edgardo Wycoco na magtalaga ng ilang pulis-trapiko sa dako ng paliparan kasunod ng mga report na nakakaabala na ang mga sasakyang ayaw pumasok sa may bayad na parking area. Sa halip ay sa kahabaan ng Rizal Avenue Ext. pumaparada na nakakaabala sa ibang motorista bukod sa lumilikha ito ng pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Sinabi ng alkalde na hindi maganda ang ganitong mga tanawin lalo na sa panahong ito na patuloy ang pagdagsa ng mga turista.
Samantala pebrero 23 ay dumaong sa pantalan ng siyudad ang 665 European tourists lulan ng M/S Azamara mula Singapore at Kota Kinabalu.
At nitong Peb 24 naman ay pabalik saTaipei ang may 150 turista na namasyal sa iba’t ibang panig ng siyudad sa nakalipas na tatlong araw. Ito ay bahagi ng lingguhang Taipei- Puerto Princesa-Taipei chartered flight ng Philippine Airlines.
Iniutos ni Mayor Bayron sa pulisya na panatilihin ang kaayusan sa paligid ng paliparan habang pinapangalagaan ang seguridad ng mga manlalakbay, lokal man o dayuhan.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |