CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Pinatunayang muli ng Siargao Dragons mula sa “Surfing Capital of the Philippines”, Siargao, Surigao del Norte na sila pa rin ang magdodomina sa tunggalian ng mga mahuhusay sa ginanap na “3rd International Dragon Boat Festival” sa lungsod ng Puerto Princesa nitong Oktubre 26-27. Ipinamalas ng ‘paddlers’ ang matibay na teamwork, lakas ng katawan, diskarte at bilis para makaungos sa bawat laban. Malaking tulong rin umano sa kanilang kampeonato ang suporta na ipinagkaloob ng mga Surigaonon lalo na ang mga nagbigay daan para mapadali ang kanilang pagsali sa mga kompetisyon ng dragon boat racing. Pumangalawa naman sa pwesto ang Team Expandables mula sa Canada na nag-iisang international delegate sa ginanap na sporting event. Bagaman milya-milya ang layo ng pinagmulan bago marating ang Puerto Princesa ay pinatunayang mayroon rin silang ibubuga sa laban. At sa ikatlong pwesto, nagpamalas rin ng kanilang lakas at husay ang Alliance of Masters mula sa Manila. Bagaman hindi pinalad ang ibang koponan, kanila pa ring ipinakita ang diwa ng ‘sportsmanship’ at malinis na laban. Kabilang sa mga lumahok ay ang WPS Dragonboat Pinoy Workers; Bakunawa, Iligan City; Team Hilera, Dumaguete City; Riptide, Manila; Dragons del Sur, Davao City; PDRT Fireblades, Manila at ang mga pambato ng Puerto Princesa – Puerto Princesa Dragonboat Team at White Sharks.

“Walang mapagsidlan ang aming kasiyahan dahil hindi kami binigong muli ng Puerto Princesa to host this big event, ang 3rd International Dragon Boat Festival. At sa susunod na araw magsisimula na naman tayo for another remarkable history na magaganap sa Puerto Princesa at sa buong Pilipinas, ang Dragon Boat World Championship. Another achievement for us and for the city.” Mensahe ni Coach Len Escollante, Presidente ng Philippine Canoe and Kayak Federation Inc. Tunay na maipagmamalaki umano ng lungsod ng Puerto Princesa ang sama-samang pagtupad sa inaasam na maging “Sports Tourism Capital of the Philippines”. Daan umano ang ganitong malalaking aktibidad para mas mamayagpag ang siyudad hindi lamang sa larangan ng turismo kundi maging sa larangan ng pampalakasan. Binigyang diin rin ni Atty. Rocky Austria, City Sports Director na kumatawan kay Mayor Lucilo R. Bayron sa closing and awarding ceremony ng programa, na gagawing taun-taon na ang Internatioal Dragon Boat Festival sa lungsod. “We will be institutionalizing this, yearly na nating gagawin ito and we hope to see you next year. On behalf of our mayor, Mayor Cecil Bayron and sa lahat ng mga taga-Puerto Princesa, maraming maraming salamat po sa inyo! Sana nagkaroon kayo ng maraming memories, baunin niyo ito sa inyong pag-uwi. Mabuhay po kayong lahat, mabuhay ang Pilipinas.” Kaabang-abang naman simula sa Oktubre 31 na magtatapos sa Nobyembre 4 ang kauna-unahang ICF Dragon Boat World Championship na gaganapin sa Pilipinas, dito sa napakagandang lungsod ng Puerto Princesa.