CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng industriya ng sports tourism sa Pilipinas, isang malaking karangalan ang natamo ng Puerto Princesa, nang ito ay makasama sa nominado bilang “Philippine Sports Tourism Government Organizer of the Year 2023.” Ang nominasyong ito ay patunay ng pagsusumikap at dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagbuo at pagsuporta sa mga programang nagtataguyod ng sports tourism sa lungsod. Magaganap ang pagpaparangal sa Axis Nustar Resort, Cebu sa darating na Nobyembre 22 handog ng 6th Philippine Sports Tourism Awards.
Mula sa mga internasyonal na kaganapan tulad ng Ironman 70.3, World Table Tennis, International Dragon Boat Competition hanggang sa mga lokal na palaro at iba pang outdoor activities, ang Puerto Princesa ay naging sentro ng mga kaganapan na nag-aakit ng mga turista mula sa iba’t ibang dako ng bansa at mundo. Ang kanilang mga inisyatibo ay hindi lamang nakatutok sa pagpapalakas ng turismo, kundi pati na rin sa pag-unlad ng mga lokal na atleta at komunidad.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng nominasyon, inaasahan ang mga bagong proyekto at kaganapan na higit pang magpapalutang sa galing ng Puerto Princesa sa larangan ng sports tourism. Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa lungsod kundi para sa buong bansa, na patuloy na nagtataguyod ng sports tourism bilang isa sa mga pangunahing industriya na maaaring magbigay ng kita at trabaho.
Ngayong darating na Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4, gaganapin sa siyudad ang ICF Dragon Boat World Championship; December 1-5, BIMP-EAGA; November 23-28, Batang Pinoy at ang Ironman 70. 3 sa darating na Marso 2025.
Ang nominasyon bilang “Philippine Sports Tourism Government Organizer of the Year 2023” ay isang hakbang patungo sa mas maliwanag na kinabukasan para sa Puerto Princesa at sa mga sports enthusiast sa buong bansa. Sa tulong ng lokal na pamahalaan at ng mga mamamayan, tiyak na makakamit ang mas maraming tagumpay sa mga darating na taon.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |