CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Feb. 18 CIO - Minsan pang nagtamo ng karangalan ang lungsod ng Puerto Princesa sa  taunang Travel Mart na katatapos isagawa sa SM Mall of Asia sa Pasay City nitong nakaraang Pebrero 13 hanggang a-15.

 

Bagama’t  first runner-up lamang ang siyudad sa pangkalahatang kompetisyon, ay masayang ibinahagi ni City Mayor Lucilo R. Bayron sa mga mamamayan sa kanyang lingguhang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na mamamahayag kahapon na ang Puerto Princesa ang tinanghal na “Best Decorative Booth” sa domestic pavilion category.

 

Ayon sa alkalde itinampok sa 5 booth ng siyudad na disenyo ng mga kawani ng Puerto Princesa Underground River sa ilalim ni Park Superintendent Beth Maclang sa pakikipagtulungan ng Crocodile Farm, City Tourism Council at staff ni City Tourism Officer Aileen Cynthia Amurao ang PPUR at replica ng mga puno ng acacia na may mga ilaw habang naka-showcase naman ang crocodile conservation pati ang iba pang mga buhay-ilang na tanging sa Palawan lamang matatagpuan. 

 

Ang labis na nakatawag ng pansin sa lahok ng siyudad ay and dalawang munting buwaya sa loob ng maliit na aquarium at dalawang iba pa sa photo booth na pinagkaguluhan ng mga panauhin sa pagpapakuha ng mga larawan. Naging kaaya-aya din ang mga ipinaririnig na huni ng mga ibon sa kabuuan ng mga booth.

 

Pinasalamatan ni Mayor Bayron ang mayroong 18 establisimyento na nagpakilala ng kanilang mga serbisyo na may kaugnayan sa industriya ng turismo. Isa dito and Skylight Convention Center na nakapagsara ng transaksiyon para sa pagdaraos ng kumbensiyon ng isang grupo na dadaluhan ng hindi bababa sa 1,000 delegado sa darating na Mayo.

 

Ang lahat nang ito, wika  ng alkalde, ay isang pagpapatunay sa walang tigil na pag-usad ng turismo sa lungsod, taliwas sa ipinapakalat ng mga katunggali sa pulitika na ito umano ay bumagsak sa pagpasok ng kanyang administrasyon.

 

Ipinagmalaki din ni Mayor Bayron ang pangyayaring sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkamit ng ganitong karangalan ang Puerto Princesa sa maraming taong paglahok nito sa Travel Mart.

 

Ang katatapos na aktibidad ay itinaguyod ng Philippine Association of Travel Agencies na dinaluhan ng mga partisipante hindi lamang sa Pilipinas kundi maging ng mga nagbuhat sa iba’t ibang bansa.

 

Article Type: 
Categories: