CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Positibo sa red tide toxin ang kalawakan ng Puerto Princesa Bay ayon sa Shellfish advisory NO.04 na ipinadala noong Enero 30, 2017. Sa isinagawang shellfish sample ng City Agriculture Office sa lugar na sinuri ng BFAR mayroong paralytic shellfish poisoning toxin level na 146 ugSTXeq/100g ang laman ng shell. Mataas ito sa limitasyon ng toxicity na 60 ugSTXeq/100g.
Ipinababatid sa publiko na umiwas muna sa pagkain, pagkuha, pagdadala at pagtitinda ng mga shellfish at alamang na magmula sa Puerto Princesa Bay hanggang sa panahon na bumaba ang toxin level nito. Maaari namang kainin ang isda at pusit na huli sa nasabing look. Siguraduhin na sariwa ito, linisin ng mabuti at siguraduhing naalis ang hasang at bituka bago iluto ng husto. Dapat namang alisin ang ulo ng hipon at huwag namang kainin ang aligi ng alimasag at alimango.
Pinapayo naman ni City Health Officer Dr. Ric Panganiban na sakaling nakakain ng mga shell mula sa Puerto Princesa Bay at nakaramdam ng mga sintomas na nalason tulad ng pagsusuka, pagkahilo, pananakit ng ulo, mabilis na pulso at hirap sa pananalita, paglunok at paghinga, dalhin kaagad sa pinakamalapit na ospital ang biktima. Ang paralytic shellfish poisoning ay nakamamatay.
Ayon kay City Agriculturist Melissa Macasaet, unang pagkakataon itong nangyaring red tide sa Puerto Princesa Bay kaya masusi nilang isasagawa ang “shellfish sampling” ng 2 hanggang 3 beses bawat linggo. Karaniwan na sa Honda Bay nagkakaroon ng red tide noong mga nakaraang taon. Isang natural na pangyayari sa karagatan ang red tide o harmful algal bloom na tumatagal mula 3 linggo hanggang 3 buwan .
Ang Puerto Princesa Bay ay sumasakop sa baybayin at karagatan mula sa Bgy. Bancao-Bancao hanggang sa Bgy. Mangingisda, kung saan 21 barangay ang apektado ng red tide. Karamihan sa mga shellfish na nakukuha dito ay bakalan, bagasay, kibao at ang alamang.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |