CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Feb.02 CIO - Simula sa Pebrero 13 ng taong kasalukuyan ay magkakaroon na ng tuwirang biyahe ng eroplano sa pagitan ng Taipei at Puerto Princesa City para sa mga turistang magmumula sa bansang Taiwan.
Inihayag ito ni Mayor Lucilo R. Bayron kasunod ng pagpapabatid ng pangasiwaan ng Philippine Airlines sa paglulunsad nito ng kanilang maiden flight sa nabanggit na petsa sa pagitan ng dalawang siyudad.
Ayon sa alkalde, ang isang PAL Airbus ay lilipad mula sa Taipei na may lulang 168 pasahero tuwing Biyernes ng hapon at babalik sa Taiwan tuwing Martes o pagkalipas ng tatlong araw na pamamalagi sa siyudad upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga turista na makapamasyal sa mga dinarayong lugar sa lungsod.
Ang proyekto ay bunga ng pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod sa Special Administrative Region of China sa pamamagitan ng Manila Economic Cooperation Office ng bansa at pakikipagtulungan ng national flag carrier ng Pilipinas.
Sinabi ni Mayor Bayron na bukod sa halos walang patlang na pagdagsa ng mga panauhin na lalong nagpapasigla sa isinusulong na industriya ng turismo, ang programang ito ay nakatutulong din ng malaki upang maiangat ang kalagayang pang-ekonomiya ng lungsod at lalawigan ng Palawan.
Maliban sa gugugulin ng mga bisita sa pagkain at mga tutuluyang hotel, makikinabang din ditto ang larangan ng transportasyon na gagamitin sa kanilang pamamasyal. Dagdag pa dito, wika ng alkalde, makikinabang din ang mga souvenir shops at iba pang stakeholders na may kinalaman sa industriya ng turismo na nagkakaloob ng dagdag na pagkakakitaan ng mgamamamayan.
Sa kasalukuyan ay nasa kalagitnaan na ng 26 na biyaheang cruise ship na M/V Superstar Aquarius na naglalakbay sa pagitan ng mga lungsod ng Puerto Princesa at Kota Kinabalu sa Malaysia.
Bagama’t halos 24 na oras lamang ang ginugugol ng cruise ship sa siyudad, hindi inaaksaya ng mga lulang turista ang panahon upang makapamasyal, makakain at makapamili ng souvenir items sa kanilang pagbabalik. Ang lingguhang cruise ship ay dumarating sa siyudad tuwing lunes at lumilisan naman kinabukasan patungo sa iba pang destinasyon sa Asya.
Ang programa ay sinimulan noong nakaraang buwan ng Nobyembre at magtatagal hanggang sa huling linggo ng Marso ng taong ito.
Gayunman, idinugtong ng alkalde na maaasahanang tuloy-tuloy na ganitong ugnayan sa pagkat nagsisilbing gateway sa Asya ang Pilipinas, partikularang Puerto Princesa at Palawan kasunod ng pagkakahirang sa mga ito bilang mga pangunahing destinasyon ngayon ng turismo sa buong mundo.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |