CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Feb. 25 CIO - Hindi naiwasang banggiting muli ni City Mayor Lucilo R. Bayron ang ilan sa nagawa ng kanyang “Apuradong Administrasyon” sa halos isa at kalahating taon lamang ng panungkulan na naging daan upang mabawasan ang malaking cash deficit ng siyudad at mabayaran ang ilang pagkakautang na halos bumilang ng mga taon.

 

Ito ay ginawa ng alkalde sa paglulunsad ng People Empowerment Program para sa iba’t ibang civil society organizations sa lungsod ng Puerto Princesa na umaabot sa 150 ang partisipante sa hangarin na makatulong sa pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng pagkakabigkis ng maliliit na grupo upang makapagbigay ng matibay na suporta ang taongbayan sa pagpapatakbo ng lokal na gobyerno.

 

Nagsilbing inspirasyon ng mga grupong ito ang pagbibigkis ng kanilang mga hanay sa karanasan ng Naga City na malaki ang ipinagbago nang manungkulan ang yumaong DILG Secretary Jesse Robredo bilang alkalde.

 

Isinalaysay ni Naga 3rd district Rep. Leni Robredo na naging panauhing tagapagsalita sa okasyon kamakalawa, na nagawang baguhin ng kanyang asawa ang maraming bulok na sistema sa lungsod sa ilalim ng pamamahala ng dating administrasyon sa kooperasyon ng taongbayan.

 

Sa pagkakataong ito  ay ginunita ni Mayor Bayron na ang kanyang dinatnan na P663-M cash deficit base sa annual COA report ay nabawasan na ng kanyang administrasyon ng P200-M noong nakaraang taon at inaasahang P200-M din ang mababawas sa pagpasok ng susunod na COA report. Ayon sa alkalde, hindi pa kasama dito ang P2.1-B na minanang pagkakautang sa iba’t ibang financial institutions.

 

Sa dinatnang katayuan ng pananalapi ng lungsod, ipinaliwanag ng alkalde na kinakailangan ang paghihigpit ng sinturon upang masunod ang mga alituntunin at mabayaran ang contractual obligations mula 2010 hanggang 2013 na umaabot sa P159-M. Hindi pa kasama dito ang mga walang dokumentong obligasyon at tanging pirma lamang sa mga charge slip na umaabot sa P60-M.

 

Binigyang-diin ni Mayor Bayron na hindi magiging maluho sa pananalapi ang kanyang administrasyon, at tinitiyak niyang hindi magkakaroon ng cash deficit ang city hall habang napapataas ang koleksiyon sa business tax at napapasigla ang real property tax collection.

 

Idinugtong ng alkalde na sa ngayon pa lamang ay mayroon nang deposito na P50-M ang siyudad sa ilalim ng tinatawag na high-yielding savings account na ayon na rin sa treasurer’s office ay ngayon lamang nangyari sa loob ng 20 taon. 

 

Nagpahayag ng paniniwala si Congresswoman Robredo na sa matuwid na pamamahala ni Mayor Bayron ay maisasaayos ang lahat  batay na rin sa pagtiyak ng alkalde na ang aprubadong badyet ay naipatutupad nang ayon sa layunin nito sa suporta ng pinagbigkis na pagkakaisa ng mga mamamayan.  

 

Article Type: 
Categories: