CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Sa naganap na ika-106th na regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod noong ika-13 ng Hulyo, taong kasalukuyan ay inanyayahan ng Kapulungan ang Fish Port Program Manager na si Ginoong Silverio “Chill” Blas upang ipaliwanag ang mga isyu na tila may paglabag ang Fish Port Management sa pagpapatayo ng mga stalls sa loob ng fish port area ng walang kapahintulutan mula sa Pamahalaang Lungsod, pagsosolicit ng mga construction materials sa mga pribadong negosyante at paniningil sa mga nagsisipagpatayo ng stalls sa halagang P60.00 kada metro kwadrado sa bawat buwan.
           

            Pinuna ni Konsehal Gregorio Austria na walang karapatan o otoridad ang Fish Port Manager na maningil kung walang kontratang pinasok sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod at mga pribadong mamamayan, magpatayo ng kung anumang istraktura nang hindi naayon sa master plan na nakasaad para sa fish port at pagso-solicit sa mga pribadong negosyante. Pinaalalahan ni Konsehal Austria si G. Blas na lahat ay dapat naayon sa panuntunan at polisiya ng Pamahalaang Lungsod.

 

            Sa naging katugunan ni G. Blas ay humingi ito ng paumanhin na sa kanyang pagnanais na mapaganda ang pamamalakad at kanyang inisyatibo ay nagkaroon ng pagkukulang ang kanyang pamunuan.

 

            Samantala, pinaalalahanan ni Konsehal Vicky de Guzman na sa lalong madaling panahon ay ipatigil ang lahat ng mga napansing paglabag ng Fish Port Management. At kanya ding tinuran na sa pamamagitan ng paghingi ng pahintulot at pagpapaalam sa Fish Port Management Board o sa Punong Ehekutibo ay maiiwasan ang mga problemang tulad ng mga nabanggit, sapagkat ang pamunuan ay nasa gobyerno at kinakailangang nasa panuntunan at proseso na naayon sa batas at ordinansang pinapatupad hinggil sa Fish Port Management.

 

            Ang naturang usapin ay masusing pag-aaralan upang matugunan ng Committee on Ordinances and Legal Matters na pinamumunuan ni Kagalang-galang Vicky T. de Guzman at Committee on Good Government.

 

          

Article Type: 
Categories: