CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Inatasan ngayon ni City Mayor Lucilo R. Bayron si City Administrator Elena Rodriguez na ipatupad ang tagubilin ng Civil Service Commssion sa mga ahensiya ng gobyerno kasama ang mga lokal na pamahalaan para sa mahigpit na implementasyon ng alituntunin na dapat ay walang mga kawaning nasasangkot o gumagamit ng ipinababawal na gamot.

 

Ang utos ng alkalde ay alinsunod sa babala ng CSC na nagpapagunitang ang sinumang positibo sa droga pagkaraang sumailalim sa drug test ay maaaring matanggal sa kanyang trabaho.

 

Nilinaw ni Mayor Bayron na ang mandatory drug test ay gagawin lamang sa mga dumaan na sa screening at kuwalipikado sa mga inaaplayang gawain. Gayunman, hindi isinasaisantabi ang pagsasagawang random drug-testing sa mga empleyado upang matiyak na ligtas sa impluwensiya ng bawal na gamot ang mga tanggapan ng pamahalaang lungsod.

 

Sinabi ni Mayor Bayron na ang paalaalang ito ng Komisyon na naaayon sa mga itinatadhanang  Comprehensive  Dangerous Drugs Act of 2002 ay nagsisilbi ring suporta sa pinaigting na kampanya ng Pamahalaang Lungsod laban sa salot na itong lipunan.

 

Matatandaan na kamakailan lamang ay inilunsad ng alkalde ang Walis-Sagasa Program ng City Government sa layuning makatuwang ito ng Kilusang Bayan Against Narcotics and Trafficking o BANAT na kapuwa nasa ilalim ng superbisyon ng Office of the Mayor.

 

Ang BANAT ay tumututok sa pagpapalaganap ng malawak na impormasyon sa hanay ng mga estudyante at kabataan magpahanggang sa mga barangay sa masamang idinudulot ng droga sa tulong ng iba’tibang sector ng komunidad habang ang Walis-Sagasa naman ay gumaganap ng mahalagang koordinasyon sa iba’t-ibang law enforcement agencies tulad Philippine National Police, National Bureau of Investigation at  Philippine Drug Enforcement Agency sa pagtukoy at pagtugis sa mga nasasangkot sa iligal na kalakalan ng droga.

 

Article Type: 
Categories: