CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Kagyat na inatasan kahapon (Pebrero 26) ni City Mayor Lucilo R. Bayron si City Administrator Elena Rodriguez na alamin ang may kagagawan  ng nakakabit na billboard sa tabi ng Caltex Station sa Junction 3, Brgy. San Pedro na inirereklamo ng marami dahil sa mga nakasulat dito na lubha umanong nakasisira sa imahe ng siyudad partikular sa industriya ng turismo.

 

Ang hakbang ay ginawa ni Mayor Bayron kasunod ng isang sulat na kanyang natanggap mula kay Ed Ahorro, presidente ng City Tourism Council na pumupuna sa nilalaman ng billboard na hindi malayong magdulot ng pangamba at takot sa mga panauhin at mga turistang dumadayo sa lungsod.

 

Ayon sa sumbong ni Ahorro sa alkalde, nakasulat sa malaking billboard ang mistulang mga panakot na babala kaugnay ng kalagayan ng kapayapaan at katiwasayan sa Puerto Princesa tulad ng sumusunod:

 

“ANG KATOTOHANAN

  • 3 rape-slay - first time in history
  • 2 riding in tandem shooting – first time in  history
  • 15 barangay sa lungsod ay talamak ang droga (user, pusher, courier at manufacturers ayon sa PDEA – first time in  history
  • Agaw-armas ng security guard sa Alta Homes – first time in history
  • Hindi mabilang na mga nakawan, holdapan, snatching, akyat-bahay, pamamaril, saksakan at tagaan.

THE TRUTH WILL ALWAYS PREVAIL”

 

Ang mga nabanggit na pangungusap, ayon sa reklamo ng City Tourism Council ay taliwas sa ipinapaliwanag ng mga tour guides na ang Puerto Princesa ay isang mapayapa at tahimik na lugar

 

Ayon kay Ahorro, ang nilalaman ng billboard ay lubhang nakasisira hindi lamang sa industriya ng turismo sa lungsod kundi sa buong lalawigan ng Palawan at sa mga mamamayan nito.

 

Bunsod ng reklamo, mahigpit na itinagubilin ni Mayor Bayron kay City Administrator Rodriguez na pakilusin ang City Assessor’s Office sa tulong ng iba pang tanggapan ng City Hall para malaman kung sino ang may-ari ng lupa at ang may pananagutan sa paglalagay ng ganitong uri ng mapanirang anunsiyo.

Article Type: 
Categories: