CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Feb.21 CIO - Ang pagpasok ng taxicab units sa lungsod ng Puerto Princesa ay malinaw na palatandaan na nakikita ng mga investor sa larangan ng transportasyon ang masiglang pag-usad ng ekonomiya sa patuloy na pagdaloy ng pamumuhunan sa siyudad.

 

Ito ang inihayag ni City Mayor Lucilo R. Bayron kasunod ng pagpresinta sa kanya ng 10 units ng taksi na nagsimula na ring pumasada sa mga lansangan ng lungsod.

 

Ipinabatid kay Mayor Bayron ng pangasiwaan ng T.S and F Taxi na 14 na units ang inaprubahang prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngunit ang karagdagang 4 na iba ay inihahanda pang makarating sa loob ng anim na buwan mula sa Kamaynilaan.

 

Napag-alaman din ni Mayor Bayron na isa pang kompanya na magpapasimula sa 10 hanggang sa 15 taxicab units ang naghihintay na lamang na maaprubahan ng LTFRB sa lalong madaling panahon.

 

Ang flagdown rate ay inihalintulad sa Metro manila na P40 habang ang metro ay papatak ng P3.50 sa bawat 200 metrong distansiya.

 

Kasabay nito ay pinawi ng alkalde ang agam-agam ng ilang tricycle operators and drivers association (TODA) na ito ay makakaapekto sa kanilang hanapbuhay sa pagpapaliwanag na karamihan sa gagamit nito ay ang mga panauhing turista, lokal man o dayuhan. Hindi umano ito maiiwasan matapos pahintulutan ng LTFRB ang kanilang operasyon sa paniniwalang ito ay napapanahon para sa isang highly urbanized city tulad ng Puerto Princesa.

 

Umaasa ang punong-lungsod na sa malapit na hinaharap ay tutugunan  ng mga investor ang pangangailagan ng mga bus bilang karagdagan sa mga nirerentahang shuttle vans.

 

Sinabi ito ni Mayor Bayron matapos mapuna ang kakulangan pa ng mga sasakyan sa halos magkakasabay na pagdating ng mga bisita ng siyudad tulad ng pagdagsa ng mayroong 4,500 miyembro ng “Singles for Christ” nitong mga nakaraang araw na sinasabayan pa ng ibang cruise ships na dumadaong sa Puerto Princesa linggu-linggo at ang napasimulan nang lingguhang biyahe ng Philippine Airlines na  Taipei-Manila-Taipei na nagtatagal ng 3 araw sa lungsod ang hindi bababa sa 150 mga lulang turista mula sa bansang Taiwan.

 

Ito ay sinabayan ng pagdating ng mayroong 500 delegado para sa 76th  National Convention ng Philippine Institute of Chemical Engineers simula Pebrero 18 hanggang 21 kung saan ay malugod na tinanggap ni Mayor Bayron ang mga panauhing inhinyero  sa kanyang binigkas na mensahe sa pagbubukas ng kanilang mga aktibidad.

                           

                   

Article Type: 
Categories: