CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Feb. 13 CIO - Sa nalalapit na hinaharap ay magkakaroon ng isang komprehensibong Maritime Industry Institute sa Pilipinas kung saan ay ang Lungsod ng Puerto Princesa ang napipisil na lugar.
Inihayag ito ni Mayor Lucilo R. Bayron kasunod ng pag dalaw sa kanyang tanggapan ng mga opisyal ng Adria Mare Maritime Training Center na nakabase sa bansang Croatia.
Sa pakikipag-usap ni Capt. Gordan Baraka ng Adria Mare kay Mayor Bayron, ipinaliwanag ng opisyal ng kompanya na ang pinaplanong sentro ng pagsasanay sa larangan ng marina ay hindi lamang saklaw sa pagbabarko kundi maging sa oil and gas industry na may mahigit sa 100 kurso ang pagpipilian na magbibigay naman ng pagkakakitaan para sa 350,000 manggagawa sa ibayong dagat.
Ang panukala ay ikinatuwa ni Mayor Bayron sapagkat magiging kapaki-pakinabang sa mga mamamayan ng siyudad at lalawigan lalo pa at ito ang magiging kauna-unahan sa bansa.
Sa kasalukuyan ay aapat pa lamang ang ganitong uri ng institusyon na pawang matatagpuan sa mga bansa sa Europa. Kung masusunod umano ang programa ng International Maritime Organization, hangad nitong magkaroon ng mga ganitong sentro ng pagsasanay sa bawat bansa dahil sa maigting na pangangailangan ng mga manggagawa sa industriya ng langis at gas sa maraming panig ng daigdig.
Kasabay nito ay iminungkahi ni Mayor Bayron ang Puerto Princesa Environmental Estate sa Brgy. Sta. Lucia sa dahilang ito ang malawak na lugar na malapit sa karagatan na siyang hinahanap ng mga proponente ng proyekto.
Maaaring ito ay hindi kaagad maisasakatuparan, ang wika ng punong lungsod, subalit nakahanda ang kanyang administrasyong makapagbukas ng maraming oportunidad sa hanapbuhay para sa mga susunod na henerasyon kasabay ng patuloy na paglago ng industriya ng turismo sa lungsod na siyang pangunahing mag-aangat sa antas ng pamumuhay.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |