CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Feb. 02 CIO - Sa layuning pag-ibayuhin ang kampanya laban sa mga ipinagbabawal na gamot at mahadlangan ang paglaganap nito sa mga paaralan lalo nasa mga barangay, isa pang kilusan ang nilikha ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa para sa kapangalagaan ng mga mamamayan.
Inilunsad ni Mayor Lucilo R. Bayron ang “Task Force Walis-Sagasa” na ang pangunahing tungkulin ay palakasin ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang pigilan kung hindi man kaagad lubusang masugpo ang paglaganap ng droga sa siyudad hanggang sa kanayunan sa pamamagitan ng tuwirang pagtugis sa mga pinaghihinalaang may kinalaman sa iligal na gawaing ito.
Ang bagong programa ay pamumunuan ni retired PNP Col. Rolando Amurao na may mahabang karanasan sa pagsugpo ng kriminalidad bago nagretiro sa tungkulin.
Ipinaliwanag ni Mayor Bayron na ang pagbuo ng “Task Force Walis-Sagasa” ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng tiwala sa kakayahan ng Task Force BANAT o Bayan Against Narcotics and Trafficking nauna niyang itinatag at pinamumunuan ni Vice Mayor Luis Marcaida III bilang executive officer.
Bagkus, giit ng alkalde, higit na mapagtutuunan ng panahon ng Task Force Banat ang pagpapalaganap ng education and information dissemination campaign nito lalo na sa hanay ng mga estudyante at kabataan..
Sa isang banda ay itututok naman ng Task Force Walis-Sagasa ang “pagwalis” sa masasamang elementong nagtutulak ng bawal na gamot sa lungsod.
Iniutos ng alkalde kay Amurao na maging mahigpit sa implementasyon ng mga tungkulin nito upang matiyak na mapapanagutang mga lalabag sa mga itinatadhana ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ng bansa at iba pang nauugnay na mga batas..
Inatasan din ni Mayor Bayron ang mga grupo nina Amurao at Marcaida na sa tuwina ay makipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police para sa mas epektibong pagtutulungan.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |