CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Sept. 22 CIO - Mahigit sa limang libo katao ang boluntaryong naglinis sa mga bayabayin ng Puerto Princesa kaugnay sa pagdiriwang ng “International Coastal Clean-up” noong Setyembre 20, 2014.  Madaling araw pa lang ay nagtipon-tipon na sa Liwasang Mendoza ang mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang paaralan, mga sundalo, kapulisan , kawani na mula sa mga tanggapan nasyonal , empleyado ng pamahalaang lokal, opisyales ng mga barangay  at mga samahan. Nakiisa rin sa paglilinis ang mga mag-aaral mula sa malalayong paaralan ng Napsan, Macarascas, Mangingisda, Tagburos at Sta. Lourdes .

Sa pambukas na palatuntunan nagbigay ng mensahe si Mayor Lucilo R. Bayron. Aniya ang ipinakitang suporta ng mga mamamayan ay isa nang inspirasyon sa lahat at lalo na sa kanya upang  pag-ibayuhin pa ang taunang paglilinis sa mga baybayin.

Baon ang pandesal at inuming tubig na ipinamigay ng tangapan ng Oplan Linis at dala ang mga sakong paglalagyan ng mga basura, sabay-sabay nagtungo ang mga grupo sa labing-apat na mga tabing baybaying barangay ng lungsod.  Umabot sa dalawang toneladang basura ang naipon na hinakot naman ng Solid Waste Management .

Samantala kasunod dito, isang parada ang ginanap mula sa Baybay patungo sa Liwasang Mendoza bandang ika-walo ng umaga. Pinangunahan ito ng City Social Welfare and Development Office  kasama ang mahigit sa 400 katao mula sa iba’t-ibang  barangay, pribado at pampulikong  institusyon na nagpakita ng suporta sa pagbubukas ng pagdiriwang ng “Linggo ng Pamilya” mula Setyembre 20 hanggang 26, 2014 .  Tema ng gawain ay “ Resilient and Caring” o “Katatagan at Pangangalaga”.  Naging panauhing pandangal si Rev. Father Bernie Lingcong , Chaplain ng Wescom Command .  Hinikayat  niya na kailangang tatagan ng bawat kasapi ng pamilya ang ispirituwal na pundasyon upang hindi mawasak ang samahan at magresulta sa paghihiwalay.

Napapaloob din sa selebrasyon ng  “Family Week”ang pagsasagawa ang CSWD ng Volunteers Training para sa mga Barangay Nutrition Scholars ng lungsod.  Layunin ng ahensiya na magturo ang mga paraan ng “Parents Effectiveness Service” na kanilang ring  ibabahagi sa mga pamilya sa kani-kanilang barangay.

 

Article Type: 
Categories: