CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

     Puerto Princesa, Feb.7 (CIO)-Pinaghahandaan na ng pamahalaang panlungsod ang nalalapit na International Dance Workshop and Festival na gaganapin sa Puerto Princesa sa Abril 11 hanggang 14, 2013. Dadaluhan ito ng labin-limang (15) bansa at labin-tatlong (13) grupo mula sa Pilipinas na kinabibilangan ng mga dance trainers, choreographers, directors, P.E. teachers at iba pang may hilig sa sayaw.
 
     May tema itong “ Cultural Connectivity Through Dance” kung saan magtatanghal at magtuturo ng mga tradisyonal ,moderno at ballet na mga sayaw. Ang gawaing ito ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 154 hinggil sa pagdiriwang ng National Dance Week ng bansa na ang National Commission for Culture and the Arts ang nagpapatupad.
 
     Kaugnay nito, isinagawa ang unang pulong noong Pebrero 4, 2013 sa Asturias Hotel na pinanguluhan ni City Tourism Officer Rebecca Labit. Dinaluhan ito ng mga principal, guro at kinatawan ng mga paaralan at dance troupe sa lungsod. Tinalakay dito ang mga kinakailangan paghahanda at ang mga paraan kung paano itatampok ang katutubong sayaw ng Palawenyo bilang isa sa pangunahing palabas.
 
     Ayon kay Gng. Labit, lubos ang suporta ng alkalde sa International Dance Workshop & Festival. Aniya, naniniwala si Mayor Edward S. Hagedorn na magiging daan ito upang magkaroon ng ugnayan ang mga lokal na mga mananayaw sa labas ng bansa o sa iba pang probinsya kung saan maipapakita ang kulturang Palawenyo. Makakadagdag din ito sa pagpapalago ng mga kaalaman ng mga mananayaw at nagtuturo ng sayaw mula dito bukod pa sa makakatulong ito sa potensyal ng Puerto Princesa na maging isang “cultural destination” ng bansa.(amie bonales)

Article Type: 
Categories: