CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Sept. 26 CIO - “Panahon na para bigyang pansin naman ng pamahalaan ang mga mamamalakaya sa ating lungsod at lalawigan upang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay at mabigyan ng serbisyo na karapat-dapat nilang makuha mula sa gobyerno.”  Ito ang tinuran ni Ginoong Ruben J. Jardin, BFAR Regional Director IV-B MIMAROPA sa paglulunsad ng National Program for Municipal Fisherfolk Registration (FishR) na isinagawa sa legend Hotel Palawan noong ika-24 hanggang ika-25 ng buwang kasalukuyan.

 

Ang paglulunsad ng FishR ay bilang tugon sa nakasaad sa RA 8550 o tinatawag na “The Fisheries Code of 1998”.  Layunin nito na maitala at marehistro ang mga lehitimong mangingisda sa lugar upang mabigyan ng atensyon, tulong at benepisyo ng pamahalaan.  Bukod pa rito ang mga kaalamang teknikal at programang pangkabuhayan para sa kanilang kapakinabangan.

 

Sa pamamagitan ng national database na mabubuo mula sa naturang programa, makakapag-desenyo ang mga kawani ng kagawaran ng mga proyekto na ayon sa pangangailangan ng bawat munisipyo o syudad.  Mapo-protektahan din ang ating yamang dagat at mapapangalagaan ito.  Layon din na mula dito ay makakabuo ng isang Comprehensive Fishery Information System na makakatulong naman sa pagbibigay ng sapat na impormasyon para sa mga malalaking kompanya/ahensya na nangangailangan ng mga mamamalakaya at datos.

 

Sa kabuuan, ang rehiyon IV-B ay nakapagtala ng humigit kumulang sa 685,647 metric tons na nagkakahalaga ng Php16 billion sa total fisheries production nito.  

 

Bilang paghahanda, kasabay ng paglulunsad ng FishR, nagsagawa naman ng pagsasanay ang mga local field project implementers kasama ang mga kawani ng bawat Municipal Agriculture & Fisheries Office na siyang mangangasiwa ng programang ito sa lugar. (Norma Lyn A. Dave)

 

 

Article Type: 
Categories: