CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, May 12 CIO - “Nais namin na maiparating sa mga mamamayan ang papel na ginagampanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa ekonomiya ng bansa. Bukod pa rito, nais din namin na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga mamamayan lalo na yaong mga nasa malalayong lugar sa tamang pananalapi at pagpapalago nito na siya naming makakatuwang sa adhikain ng tanggapan na pangalagaan ang pagkakaroon ng matatag na pananalapi at maayos na banking at payment system.” Ito ang tinuran ni Ms. Maria Farah Angka, Deputy Director on Economic and Financial Learning Center ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Kaugnay nito, magkakaroon ng mga pagpupulong para sa pagpapalaganap ng mga programang nakapalood sa adhikaing ito na isasagawa dito sa lungsod para sa iba’t ibang sektor ng pamayanan.
Kamakailan ay isinasagawa ang “Be up to SPeed on BSP,” Ito ay pagpapaliwanag sa mga manggagawa ng kahalagahan ng papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pananalaping aspeto ng bansa. Ito ay dinadaos sa Sunlight Guest Hotel alas-9 ng umaga at nagtapos ika-5 ng hapon. Kasabay naman nito ang Financial Education Expo for the Working Sector sa Skylight Convention & Business Center.
Para naman sa mga OFW at benepisyaryo nito, naglatag naman ng Financial Learning Campaign na tinawag na “Paghahanda sa Kinabukasan.” Layunin ng programang ito ang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa at mga kaanak nito sa kahalagahan ng paggamit ng remittances sa pag-iimpok at pagpapalago nito sa pamamagitan ng mga lehitimong pamumuhunan upang makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Bibigyan naman ng kaalaman ang mga mag-aaral at miyembro ng akademya na nakapaloob sa programang Financial Education Expo na kinapapalooban ng mga sumusunod: learning booths with audio-visual presentations, graphic displays at interactive activities para matulungan o magabayan ang mga partisipante na maging self-reliant sa paghawak at pagpapalago ng kanilang pang pinasyal na aspeto sa buhay. Kasama din dito ang pagbibigay ng kaalaman sa financial system ng bansa, basics of budgeting, saving, investing and borrowing, financial planning for life-cycle events at credit card awareness.
Sa pagtatapos ng naturang mga talakayan, inaasahan ng grupo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas na sa pamamagitan nito ay naipaabot nila ang ilang mahahalagang bahagi ng papel ng kanilang ahensya sa mga mamamayan ng lungsod at maging epektibo ang mga programang ito sa paghubog ng isang responsableng pamayanan na epektibong makakatuwang sa pagpapalago ng ekonomiya ng bayan.(cio)
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |