CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Jan. 18 CIO - Pinulong ni Mayor Lucilo Bayron kamakailan ang binuong Task Force El Niño upang simulan na ang preparasyon para sa napipintong pagdating ng tag-init sa lungsod.

Asahan ang matinding tag-init mula Enero hanggang Marso dulot ng El Niño. Ayon sa PAGASA, papalo sa 35 degrees ang pinaka-mainit na tempe- raturang dadanasin dito sa lungsod sa loob ng 3 buwan. Ipinaabot ito ng PAGASA sa ipinatawag na pulong ni Mayor Lucilo Bayron sa binuong Task Force El Niño.

Positibo ang Puerto Princesa City Water District na hanggang sa ngayon ay sapat ang tubig sa ilog ng Irawan para sa pangangailangan sa lungsod. Bagaman nagbigay na din ng babala na kapag tuloy-tuloy ang tag-init at walang darating na ulan, posibleng muling magsagawa ng water rationing sa buong lungsod.

Maging ang City Fire Department ay nagbabala na din sa posibleng kaso ng pagkasunog sa damuhan o grass fire sa panahon ng tag-init.  Magiging mahirap ang responde sa sunog sa panahong hirap sa tubig dahil sa tag-init.

Sisimulan ng City Fire Department ang pagtatabas ng damo sa paligid ng lupang pagmamay-ari ng pamahalaan upang maiwasan ang grass fire. Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng pagitan ang magkatabing lupa na makakatulong upang maiwasang lumipat ang apoy sakaling may grass fire. Ito na din ang suhestiyon para sa mga pribadong  lupa.

Samantala, pina-alalahanan  ng City Health Department na maging maingat  sa kalusugan. Ang sobrang init ay maaring magdulot ng biglang pagtaas ng blood pressure. Kapansin-pansin sa talaan ng City Health na higit ang pagtaas ng bilang ng sakit o kamatayan dulot ng pagtaas ng BP tuwing mainit ang panahon. Sa mga bata ang pagdudumi at pagsusuka ang madalas na nagiging sakit dahil sa maduming tubig.

Ayon sa pag-aaral ang El Niño ay mainit na daloy ng tubig na lumilitaw baybayin ng Peru tuwing dalawa hanggang pitong taon at tumatagal ito ng 8 hanggang 12 buwan. Ang mainit na daloy ng tubig ay karaniwang dumarating bago magpasko. Pinangalanan ang mga ito ng El Niño na ibig sabihin ay sanggol na si Hesus.

Ang El Niño ay naisasalawan bilang pagbabago ng klima na humahaba ang tag-araw na nagdudulot ng tag-tuyot. Ang bansang malapit sa dagat pasipiko tulad ng Pilipinas ang madalas na pinaka-apektado.

Kaugnay nito, mahigpit ang tagubilin ni Mayor Bayron na maigting na ipatupad ang mga pamamaraan upang makatipid ng tubig. Maging mas masigasig ang Task Force El Niño sa pagpapakalat ng impormasyon sa mga tamang paraan ng pag-gamit ng tubig. Maging ang City Fire Department ay inatasang turuan ang mga residente ng lungsod ng mga paraan upang maiwasan ang sunog at grass fire.

Article Type: 
Categories: