CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
“Lack of merit” o kulang sa merito o ebidensya, ito ang naging buod ng resolusyon na nagmula sa First Division ng Commission on Election sa petisyon na inihain ni Ginoong Bienvenido M. Rodriguez na nagpapadiskwalipika kay Mayor Edward S. Hagedorn bilang kandidato para sa pagka-alkalde ng lungsod sa halalan ngayong Mayo.
Ika-22 ng Disyembre taong 2009 ng magsampa ng petisyon si Ginoong Rodriguez sa COMELEC upang hadlangan ang pagtakbo ni Mayor Hagedorn sa darating na eleksyon dahil nakapag-serbisyo na umano ito ng tatlong (3) magkakasunod na termino.
Samantala, inamin naman ni Mayor Hagedorn sa naging tugon nito sa naturang petisyon na siya ay nanungkulan bilang punong lungsod noong taong 1992, 1995 at 1998 at nakapagserbisyo sa tatlong magkakasunod na termino. Taong 2001 nang tumakbo ito sa posisyong gobernador ng lalawigan ngunit hindi pinalad na manalo.
Muli tumakbo ito bilang alkalde noong Setyembre 2002 recall election kung saan ay nanalo ito at muling naibalik sa pwesto. Kinuwestyon din ni Mayor Dennis Socrates na kasalukuyang punong lungsod noong panahong iyon ang karapatan ni Hagedorn sa pagtakbo nito bilang kanyang katunggali sa naturang halalan. Ngunit sa ipinalabas na desisyon ng Korte Suprema, isinasaad dito na kwalipikado si Hagedorn sa pagtakbo nito bilang mayor.
Ayon sa Korte Suprema, ang “disqualification” ay maaari lamang kung ang termino ay magkakasunod at ang serbisyo ay buo at tuluy-tuloy ( “the terms are consecutive and the service is full and continuous”). Ang serbisyo sa recall term ay hindi isinasaalang-alang na “full term” ayon sa Konstitusyon at hindi maaaring ibilang o gawing basehan para sa diskwalipikasyon.
Isang parehong kaso naman ng disqualification ang isinampa ni Gng. Eva Ponce De Leon, maybahay ng katunggali ni Mayor Hagedorn bagamat naka-binbin pa sa COMELEC ang nasabing petisyon, inaasahan na ng kampo ni Hagedorn na ito ay ibabasura din ng Komisyon.
“ The second case will suffer the same fate as the first. Aside from being a verbatim copy of the earlier case, it was filed out of time.” Ito naman ang tinuran ni Atty. George Erwin M. Garcia, legal counsel ni Mayor Hagedorn.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |