CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Pinasinayaan noong Enero 25, 2017 ang proyektong Bgy. Luzviminda Water System Level 3 Project  na pinagtulungan isakatuparan  ng Pamahalaang Panlungsod at ng Puerto Princesa City Water District.  May panimulang kabuuang halaga ito na umaabot sa halos P10M.  5.2M mula sa lokal na gobyerno at  4.98M galing sa PPCWD.   Sinimulan ang Phase I ng proyekto noong 2015 at itinustos ang pondo sa paghahanap ng lugar na mapagkukunan ng tubig kung saan tatlong lokasyon ang na-drill.  Ang unang dalawa ay hindi umayon sa kalidad ng tubig na dapat mainom dahil mataas ang “salt intrusion” o maalat  hanggang sa ang pangatlong lugar ang umangkop sa hinahanap na kalidad. Nakapaghukay rin ng mga transmission at distribution lines na may habang 5.4 kms.  Sa Phase II, inilagay ang 1 km habang pipeline mula sa pumping station   na dumugtong sa mga linyang magseserbisyo sa kasalukuyang 188 kabahayan. 

Pinasalamatan ni PPCWD General Manager Antonio R. Romasanta, Jr. ang pamunuan ni Mayor Lucilo R. Bayron dahil naging level 3 na ang lahat na proyektong patubig sa Puerto Princesa.  Kanya ring hiniling ang pangangalaga sa proyekto ng   mga taga Luzviminda  at ang pang-unawa na hindi pa sapat ang produksiyon ng tubig kaya hindi pa malagyan ang lahat ng koneksyon.  Pina-alala pa ni GM Romasanta ang tamang paraan ng paggamit at pagtitipid sa tubig na dapat pairalin.  Wika pa niya “huwag kakalimutang ang tubig ay buhay, kaya huwag mag-aksaya.”

Ipinaabot naman ni Mayor Bayron ang pagbati at pasasalamat sa mga taga Bgy. Luzviminda sa pamamagitan ni Acting City Information Officer Richard C. Ligad. Aniya,“hindi magtatagumpay ang proyekto kung wala ang supporta ng mga mamamayan.”  Kanya rin ipinaalala na bigyan ng kahalagahan ang bawat patak ng tubig.  Nangako rin si CIO Ligad na ipaparating sa punong lungsod ang iba pang kinakailangang  suporta upang madagdagan pa ang kasalukuyan bilang ng may koneksyon sa tubig.

Iniulat naman ni Engr. Juan Arquero ng PPCWD na kailangan pang paglalaanan ng P4.6M ng kanilang tanggapan ang proyekto para sa pagpapagawa ng elevated tank at ekspansyon ng pipeline, distribution line at karagdagang pang pagkukunan ng supply ng tubig.

Sa mensahe naman ni Kapitan Angelita Dalma, kanyang pinasalamatan din sina Mayor Bayron at PPCWD Gen. Manager Romasanta.  Hinikayat naman niya ang mga kabarangay na patuloy ang pakikipagtulungan sa lahat ng proyekto at programa ng lungsod  dahil sila rin ang inspirasyon sa pagsasagawa ng mga ito.

 

Article Type: 
Categories: