CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Binibigyang pagkakataon ng Pamahalaang Lungsod ang mga may-ari ng mga ari-ariang di-natitinag na makapagbayad ng karampatang buwis para sa taong 2018 ng may diskwento. Kung ang kabuuang halaga ay mabayaran sa loob ng ikatlong kwarter ng taon, may ibibigay na 2.5% kabawasan at 2% naman ang pataw na multa sa bawat buwan nang pagkahuli sa pagbabayad.
Sa kasalukuyan may kabuuang P67,376,825.86 pa lamang ang nakokolekta ng Pamahalaang Lungsod mula sa buwis ng mga ari-ariang di natitinag. Bagamat halos kalahati pa lamang ito ng P138,000,000.00 na itinakda ng Bureau of Local Government Finance na malikom, naniniwala pa rin si G. Joel Solina, puno ng tanggapan ng Real Properties Tax Division na maabot ang tinutuon na halaga. “Halos taon-taon ay ganito ang takbo ng koleksiyon tuwing kalahatian ng taon. Nagsisimula itong tumataas sa bandang huling kwarter lalo na pagsapit ng buwan ng Disyembre” ani Solina.
May plano rin ang lokal na pamahalaan na magsagawang muli ng “AUCTION SALE” sa mga lupaing hindi nababayaran ang buwis sa matagal na panahon. Sakaling isagawa, ito ang pangatlong beses nang ipapatupad. Malaki ang naitutulong ng auction sale sa paglikom ng pera para sa kaban ng bayan. Isa rin itong paraan na nagpapaalala sa mga may-ari ng mga ari-arian na hindi dapat pabayaan ang responsibilidad sa bayan.
Dahil sa mataas ang bahagdan ng mga koleksiyon ng buwis noong maraming taong nakaraan, nagbunga ito ng pagpapatupad ng pamunuan ni Mayor Lucilo R. Bayron ng maraming proyektong imprastraktura lalo na ang mga daan. Ito rin ang naging isa sa mga dahilan para masungkit ng Puerto Princesa ang Seal of Good Housekeeping at ang Seal of Good Local Governance.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |