CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Oct. 24 CIO - Muling tatanggap ng pagkilala ang Puerto Princesa na Seal of Good Local Governance mula sa Kagawarang Panloob at Lokal na Pamahalaan (DILG) sa ikalawang pagkakataon. Sa isang liham mula kay DILG Secretary Ismael D. Sueno para kay Mayor Lucilo R. Bayron, kanyang ipinaabot ang pagbati at pag-imbita sa pamunuan sa isang “SGLG National Conferment Ceremony”  sa Oktubre 27, 2016 na gaganapin sa Sofitel Hotel sa Kamaynilaan.

Naipasa ng Puerto Princesa ang lahat na mga karaniwang katangian sa mga pangunahing panuntunan, na siyang pinagbasehan ng mga porsyentong marka para sa nasabing patimpalak.  Kinabibilangan ito ng a.) Pamamahalang pinansyal o Financial Administration b.) Panlipunang Protection o Social Protection k.) Kahandaan sa Panahon ng Kalamidad o Disaster Preparedness. Naabot din ng lungsod ang dalawang sukatan para sa tatlong mahahalagang saklaw ng panuntunan na a). Kapayapaan at Kaayusan o Peace and Order  at b). Pangkalikasang Pamamahala o Environmental management.

Ang napanaluang karangalan ay magbibigay ng mga mabuting pagkakataon sa lokal na pamahalaan  kabilang dito ang pagkakaroon ng Performance Challenge Fund na magagamit sa mga programa at proyekto.  Magkaroon ng Good Financial Housekeeping Certification na makakatulong sa pagkaka-aproba sakaling hihiram ng  pera sa mga kinauukulang  institusyon. May mga iba pang mga tulong na maaaring matanggap na dapat lamang ay naaayon sa mga detalye ng gabay ng programa.

Matatandaang minsan na ring nanalo ang Puerto Princesa ng Seal of Good Local Governance noong 2014. Isa sa mga naging bunga nito, ay ang pagkaroon ng pondong pinantustos sa  pagko-kongkreto ang mga daan sa sentro, karatig at malalayong barangay ng lungsod. 

Hinikayat din ng Kalihim ng Kagawaran ang alkalde na panatilihin ang kapuri-puring pag-ganap at dedikasyon  sa lahat na responsibilidad upang maisakatuparan ang layunin ng “tapat at mahusay na pamahalaang lokal”. 

Article Type: 
Categories: