CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Jan. 13 CIO - Nakakolekta ng kabuuhang halaga na P193,396,577.90 ang pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa mula sa buwis ng mga ari-ariang di-natitinag para sa taong 2014. Lumampas ito ng P54,396,577.90 sa itinakdang P139M ng Bureau of Local Government Finance. Mas mataas din ito ng P26M sa koleksiyon ng 2013 na P167M.
Sa panayam kay G. Joel Solina, puno ng real property tax division, malaki ang nagawa ng pagsusumite nila ng listahan ng mga government owned lands and buildings upang mabawasan ang unang target na P 179M buwis na pinakokolekta ng BLGF. Ito ay kinabibilangan ng mga lupaing ginamit bilang mga daan, paliparan, daungan, parke at sementeryo Kabilang din ang mga lugay na tinatayuan ng mga gusaling pampubliko tulad ng city hall, capitol , barangay halls paaralan at opisina ng mga pang-nasyonal na ahensiya.
Pinag-ibayo rin ng kanilang tanggapan ang paghahatid at pagpapadala ng mga notipikasyon ng delingkwenteng bayarin at ang talaan ng halaga ng buwis na kinakailangan bayaran ng bawat may-ari ng mga ari-ariang di natitinag.
Malaki rin diumano ang nagawa ng paglalagay ng talaan ng mga delingkwenteng magbubuwis sa mga barangay halls at sa cityhall. Pinag-igting din ang kampanya sa kahalagahan ng pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng mga paraang pang media upang maipaalam sa pinakamalayong kinauukulan.
Nakipag-ugnayan din ang real property division sa business tax division na isama sa mga kinakailangan papeles ng business permit ang tax clearance upang makaseguro na makakapagbayad ng buwis ang nagnenegosyo sa lungsod.
Pinanatili pa rin ang pagbibigay ng diskwento sa mga magbubuwis na nasa tamang panahon at maagang nagsisipagbayad.
2% ng nakolektang buwis ay mapupunta sa Basic Tax na kung saan hinahati ito na ang 70% ay para sa pamahalaan na panggastos sa mga proyekto at programa, at 30% ay ibinibigay na kabahagi ng mga barangay. Ang 1% ay ibabahagi naman sa Special Education Fund na siyang pinagkukunan ng pantustos sa mga pang edukasyon na aspeto tulad ng pagpapagawa ng mga paaralan, sweldo ng mga Local School Board teachers at iba pang gastusin na may kaugnayan dito.
Nagpapasalamat naman ang pamunuan ni Mayor Lucilo R. Bayron sa tulong at tiwalang ibinigay ng mga magbubuwis na siyang sanhi ng malaking koleksiyon. Aniya, makakaasa sila na ilalaan ito sa mga programa at proyektong pangkaunlaran ng mga Puerto Princesans .
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |