CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

 

Puerto Princesa, April 17CIO - Makulay, masaya, makasaysayan ang naging pagbubukas ng  Dance Exchange sa  City Coliseum ng Puerto Princesa na ginanap noong umaga ng Abril 11, 2013 .  Isinabuhay nito ang tema na “Cultural Connectivity Through Dance” sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sayaw ng bawat rehiyon sa Pilipinas at sa iba pang lugar sa Asya at Europa.  Sinaliwan ito ng iisang tugtog ng grupong Sinika na ginamitan ng agong , tambol  at kawayan .   Buong husay na sinayawan ito ng mga partisipante ng modernong galaw, ballet, ballroom,  at mga katutubong sayaw ng siyam (9) na  sumaling mga bansa .  Kinabibilangan ito ng Japan, South Africa, Spain, South Korea, England, Hongkong, Indonesia, Thailand at Pilipinas.  Dalawampu’t dalawang grupo naman mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang kumakatawan sa Pilipinas  na binubuo ng mga mananayaw mula sa ibat-ibang  paaralan at  pribadong  hanay.  Sa pamamagitan ng paghahayag ni Chairman Shirley Halili-Cruz ng National Dance Committee pormal ng sinimulan ang “The Philippine International Dance Workshop and Festival “ sa lungsod.

Isang parada at street dancing naman ang ginanap sa bandang hapon sa kahabaan ng Rizal Avenue hanggang Mendoza Park.  Nagpamalas muli ang mga mananayaw ng kagalingan sa awitin ng Sinika na “Amos Tara” at “The City in A Forest”.  Nagpatuloy ang mga palabas sa hanggang gabi sa People’s Amphitheater.

Ang pagsasagawa ng dance festival sa Puerto Princesa ay bunga ng kasunduan ng pamahalaang lungsod na pinamumunuan ni Mayor Edward S. Hagedorn at ng National Commission on Culture and the Arts na kinatawan naman ni  Executive Director Emelita Almosora.  Layunin nito na maipakita ang potensyal ng Puerto Princesa at ng buong bansa na maging destinasyong pangkultura sa buong  Asya at sa iba pang panig ng mundo. Tuon din ang paglinang at palitan ng mga kaalaman at kakayahan ng mga mananayaw, guro at choreographer.  Inaasahan din na magbibigay daan ito upang mapatatagtag ang ugnayan ng mga grupo ng mga mananayaw at maipakita ang  katangi-tanging sayaw ng bawat bansa. Kaugnay nito magsasagawa ng mga dance workshops, master’s classes  at outreach performances ang bawat  kasaling bansa sa iba’t-ibang  eskwelahan at lugar tanghalan na nasa siyudad.

Nagtatapos ang  Dance Exchange  noong Abril 14 sa pamamagitan ng isang Grand Performance  na ginanap sa City Coliseum.(amie bonales)

Article Type: 
Categories: