CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Marso 16 (PIA) --- Pinaghahandaan na ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) ang pag-obserba sa World Water Day na nakatakda sa Marso 22, na may temang “Katiyakan sa Pagkain, Katiyakan sa Tubig." 

Upang hindi maapektuhan ang regular na transaksiyon ng water district, isasagawa sa Marso 24, araw ng Sabado, ang mga aktibidad kaugnay ng pag-obserba ng World Water Day sa lungsod ayon kay PPCWD General Manager Antonio Jesus Romasanta.

Tampok sa pagdiriwang ang isang Fun Ride sa Marso 24 na magsisimula ganap na 6:00 AM mula sa Baywalk area ng lungsod patungong Irawan Watershed kung saan nagmumula ang suplay ng malinis na tubig ng lungsod.

Inaasahang lalahukan ng mga bikers' group sa lungsod ang nasabing fun ride. Pagdating sa bundok ng Irawan ay sabay-sabay na magtatanim ng puno ang mga sumali sa fun ride kasama ang mga empleyado ng water district at ilan pang indibiduwal na makikiisa sa pag-obserba ng world water day.

Ayon kay Romasanta, angkop na angkop sa tema ngayong taon ng World Water Day na “Katiyakan sa Pagkain, Katiyakan sa Tubig” ang aktibidad ng pagtatanim ng puno sapagkat sa pamamagitan nito ay mapoprotekhan ang mga water shed para sa tiyak na suplay ng tubig ng komunidad.

Maliban sa pagtatanim ng puno, inaasahan din ang paglalagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng water district at ng Rotary Club of Puerto Princesa para sa Adopt-A-Planting Site Program kung saan bibigyan ng sariling lugar sa bundok Irawan ang Rotary Club upang pagtaniman ng mga puno at pangalagaan. 

Nanawagan naman si Romasanta sa lahat ng mamamayan na makiisa sa pag-obserba ng World Water Day upang maipalaganap ang tunay na kahalagahan ng tubig sa buhay ng tao.

Ang nabanggit na pag-obserba ay base sa resolusyong pinagtibay ng United Nations noong 1992 na nagdedeklara sa Marso 22 bilang World Water Day. (LBR/OCJ/PIA4B-Palawan)

 

Article Type: 
Categories: